Abante Tonite Interactive

Nanapak ng waiter dahil sa placemat

0 583

Binasag ni Ang Probinsyano Party-list Rep. Alfred Delos Santos nitong Huwebes ang kanyang pananahimik matapos ma-ging viral sa social media ang panununtok niya sa isang waiter ng restaurant sa Legazpi City noong Hulyo 7.

Sa isang interview ng DZMM, humingi ng kapatawaran si Delos Santos sa publiko, gayondin sa 20 anyos na waiter na si Christian Kent Alejo dahil sa insidente ng Biggs Diner noong nakaraang linggo.

“Humihingi ako ng paumanhin sa ‘yo, kay Christian Kent… kay Christian Kent Alejo, gusto ko lang mag-apologize lalong-lalo na sa ‘yo at sa ‘yong pamilya at ikaw ay aking nasaktan dahil sa nagawa ko,” ani Delos Santos.

“Sambayanang Pilipino, sa inyong lahat, pasensya na po,” dagdag pa niya.
Aniya, uminit ang kanyang ulo dahil sa hindi maayos na pagkakalagay ng waiter sa place mat. Gayunman, hindi umano ito sapat na dahilan para saktan niya ang waiter.

“Either as a public servant or a private citizen, I shouldn’t have lost control of my emotion,” paliwanag pa niya.

Itinanggi naman ni Delos Santos na siya’y basagulero o sanggano sa pagsasabing ordinaryong tao lamang siya pero naunahan siya ng kanyang emosyon.

“Tao lang po ako, but still after reflecting on what happened, I’m really sorry,” ani Delos Santos.“Naunahan po ako ng emosyon, nadala po ako.”
Binanggit pa nito na binisita na niya si Alejo at nagkaayos na silang dalawa.

Nag-sorry din siya sa Ang Probinsyano Party-list dahil sa nakaladkad ang orga-nisasyon sa kontrobersya.

Handa umano siyang harapin ang anumang ipapataw na parusa ng party-list, kabilang na ang posibleng pagsipa sa kanya.

Ayon naman sa taga-pagsalita ng grupo na si Atty. Joco Sabio, hindi sila mag-aatubuling suspendihin si Delos Santos kung mapapatunayang inabuso niya ang kanyang katayuan para saktan si Alejo.

“Definitely we will not tolerate any kind of abuse in our party. We will not hesitate to suspend or even remove Congressman Delos Santos if we establish that this was an unprovoked attack,” saad ni Sabio.

“I would like to make it very clear however that Rep. Delos Santos is our nominee but he is not the entire representation of the Ang Probinsyano Partylist. His actions and his decisions are his own and should not reflect on Ang Probinsyano as a party and as an organization,” paliwanag pa ni Sabio. (JC Cahinhinan)