Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Nanay binuhay 8 anak sa droga

0 141

Upang mabuhay ang kanyang walong anak na iniwan sa kanya ng humiwalay na asawa, napilitang magtulak ng iligal na droga ang isang 44-anyos na nanay sa Barangay Mambaling Cebu City. Cebu.

Naaresto sa isinagawang operasyon ng pulisya nitong Linggo ng hapon ang suspek na si Anabelle Gonzales, hiwalay sa asawa at nakuha sa pag-iingat nito ang aabot sa P278,000 halaga ng shabu.

Ayon kay Police Capt. Armando Labora, hepe ng Parian Police Station, alas-5:40 ng hapon nang magsagawa ng buy bust operation ang kanyang mga tauhan sa Sitio Ibaba Proper at target si Gonzales.

Mahigit isang linggo ring minanmanan ng pulisya ang iligal na aktibidades ng suspek hinggil sa pagtutulak nito ng shabu. Hindi na ito nakapalag nang masakote ng pulisya.

Nabatid sa suspek na iniwan lang umano sa kanya ang mga shabu at inihahatid niya lang ito sa mga hindi niya kilalang tao kapalit ng maliit na halaga.

Kinakailangan umano niyang kumapit sa patalim at pasukin ang iligal na gawain para lang mayroon siyang pantustos at ipakain sa kanyang walong anak dahil hiniwalayan na siya ng kanyang asawa.

Gayunma’y walang nadatnang anak nang dakpin ng pulisya ang ginang.

Patuloy na isinasailalim sa interogasyon ang ginang upang malaman kung sino ang supplier nito ng shabu.

Sasampahan ng kaukulang kaso ang ginang habang nakakulong ito sa Parian police station.(Edwin Balasa)

Leave A Reply

Your email address will not be published.