Abante Tonite Interactive

Nanay buking sa abortion, dinugo sa LRT 1

By
2,167

Labis ang pagsisisi ng isang 33-anyos na ginang matapos mabu­king at kasuhan dahil sa ginawang pagpapalaglag sa kanyang ipinagbubuntis nang duguin habang sakay ng Light Rail Transit (LRT) Line 1 sa Pasay City kahapon.

Sa detention cell ng Station Investigation and Detective Management Branch (SIDMB) ng Pa­say City Police ang bagsak ng ginang na itinago na lang sa pangalang Judy, isang canteen helper at taga-Cavite.

Lumalabas sa imbestigasyon ni SPO2 Joel Landicho na dakong alas-dos ng hapon, sakay ng LRT-1 si Judy patungong Baclaran, Parañaque City pero pagdating sa Gil Puyat Station ay umagos ang dugo mula sa kanyang ari kasunod ng paglabas ng fetus.

Agad siyang sinaklolohan ng ilang pasahero ganundin ng ilang empleyado ng LRT 1 at isinugod sa Adventist Medical Center sa Donada St., Pasay City.

Matapos malapatan ng lunas ang ginang, natuklasan ng OB Gyne na si Dr. Cristina Cedilla na dinugo ang kanyang pasyente dahil pinalaglag ang sanggol sa kanyang sinapupunan matapos makuha ang isang cathe­ter mula sa ari nito.

Dahil dito, agad na ipinagbigay-alam ng nasabing pagamutan ang insidente sa Pasay City Police at inaresto ang ginang.

Sa pahayag naman ni Judy, isang nagnga­ngalang “Che” na nakilala lamang niya sa Facebook ang nag-abort sa kanya noong Hunyo 15 na isinagawa sa lungsod ng Maynila.

Nagbayad umano siya ng P5,000 para lamang malaglag sa kanyang sinapupunan ang may limang buwan nang ipinagbubuntis.
“Litong-lito lang po ang isip ko at nagsisi ako sa ginawa ko, sana po mapatawad ako ng aking anak,” pahayag ni Judy nang makapanayam ito.

Nabatid na may da­lawa nang anak si Judy pero hiwalay na sa kanyang kinakasama. Hindi na umano niya kayang buhayin pa ang sanggol na nasa sinapupunan kung kaya’t nagpasya siyang ipalaglag na ­lamang ito.

Nahaharap siya nga­yon sa kasong paglabag sa Article 256 (intentional abortion) ng Revised Penal Code.