Abante Tonite Interactive

Nanay nabaon sa utang

439

Hi Attorney Claire,
Gusto ko lang po itanong ang kalagayan ng nanay ko, madami siyang pinagkauta­ngan na microfinance pero hindi niya matapos-tapos bayaran. Ano pong pwede niyang gawin?

Paano ‘pag hindi niya na talaga mabayaran kasi lugi na ang negosyo niya. Makukulong po ba siya?
Salamat in advance sa sagot niyo. Sana po mag-reply kayo sa e-mail ko.
Thank you,
Glaiza

Glaiza,
Alamin mo muna kung ano ba ang klase ng transaksyon ng nanay mo sa mga lender niya.
Noong umutang ang nanay mo ay may pinirmahan siyang kontrata. Sa kontrata natin malalaman kung ano ba ang maaaring obligasyon at liability ng nanay mo. Dahil kung utang lang ang hindi niya mababayaran ay ci­vil case lamang ang maisasampa sa kanya at iyon ay walang kulong. Kapag nanalo ang lender ay maaari lamang na kuhanin ng sheriff ang mga gamit niya upang ipasubasta at ang proceeds ng napagbentahan ay siyang gagamiting pamba­yad sa mga pinagkakautangan niya.
Ngunit kung mapapatunayan ng mga pinagkautangan niya na modus operandi lamang ang ginagawa ng nanay mo upang umutang nang umutang na walang balak na pagbabayad o tatakbuhan ang obligasyon ay maaari siyang kasuhan ng panloloko o swindling. Kapag napatunayan ang panloloko ng nanay mo ay maaari siyang makulong.
Kung may mga tseke naman na ginawang collateral ang nanay mo at tumalbog ay maaari siyang kasuhan ng estafa at violation of BP 22 (Bouncing Checks Law).

Kaya ang pinakamabuting gawin ng nanay mo ay pili­ting bayaran ang mga pinagkakautangan niya. Ang utang ay utang na dapat na bayaran.
Maaari rin siyang magsampa ng Petition for Voluntary Insolvency ayon sa batas na mas kilala bilang An Act Provi­ding for the Rehabilitation of Liquidation of Financially Distressed Enterprises and Individuals o RA 10142 para mahati-hati o maaayos ng appointed rehabilitation receiver ang mga natitirang ari-arian ng nanay mo sa mga pinagkakautangan niya kapag nasang-ayunan ng korte ang petition niya.
Kung may katanungan pa ay tumawag lamang sa 410-7624/922-0245 o mag-email sa attorneyclaire@gmail.com.