Abante Tonite Interactive

Nanay napatay ng police major

0 580

Nabaril at napatay ng isang police major ang sariling ina matapos magwala habang nag-aaway sila ng kanyang kinakasama sa Sitio Pader, Purok 6, Brgy. Pulung Maragul, Angeles City kamakalawa nang hapon.

Kinilala ni Col. Joyce Patrick Sanggalang, city director ng Angeles City Police Office ang suspek na si Major Dante Cabungcal, deputy chief of police ng bayan ng Talavera, Nueva Ecija.

Ayon sa report, pumagitna si Purita Cabungcal, ina ng suspek, para awatin ang nag-aaway na police major at ka-live in nitong si Connie Brillo, 40, alas-4:30 ng hapon.

Sa gitna ng pagtatalo nagdilim umano ang paningin ng suspek, nagbunot ng baril at itinutok sa kinasama nito pero pumagitna ang ina nito na siyang tinamaan ng limang sunod-sunod na putok sa ulo at katawan.

Nabaril din ng suspek ang pamangkin nito na si Miquito Cabungcal, 17, na tumulong sa pag-awat sa kanyang lola.

Sa kabutihang palad hindi napuruhan ang binatilyo bagkus ay nagpasaklolo.

Matapos ang pamamaril ay nagkulong ang suspek at ang live-in partner nito sa kanilang kuwarto.

Dumating ang mga pulis sa pamumuno ni Sanggalang at matapos ang ilang minutong negosasyon ay napasuko ang suspek.

Narekober mula sa crime scene ang siyam na piraso ng deformed slug ng .9mm caliber pistol, 9 spent shell ng .9mm caliber pistol, isang .9mm Pietro Baretta pistol at isang .9mm Steyr Mannlicher pistol na gawa sa Austria. (Rudy Abular)