Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Nanay tinago sa septic tank

0 1,559

Umalingasaw ang apat na taon na lihim, na wala pala sa ibang bansa ang isang 54-anyos na ginang kundi itinago at inilibing ng sarili niyang anak kasabwat ang nobyo nito sa septic tank sa Dasmariñas City, Cavite.

Kasong murder ang sinampa laban kina Jhoana Marie Sayos, 22, at ang kinakasama nito na si Ronald James Rubi, 26, matapos umamin sa pagpatay kay Maria Evelyn Sayos, ng Phase 1 Villa Luisa Subdivision, Brgy. San Agustin 3, ng lungsod.

Miyerkoles alas-dos ng hapon natuklasan ni John Levy Sayos, anak ng biktima at kapatid ng suspek, ang bangkay ni Evelyn sa ilalim ng septic tank matapos ipagawa ang kanilang bahay.

Nakabalot ng sako ang biktima kasama ang mga ID nito.

Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya, taong 2016 nang mawala si Evelyn at naging palusot umano ni Jhoana Marie ay nagtungo ang ina sa Singapore matapos nilang magkatampuhan. Taong 2018 nang i-report na nawawala ang biktima.

Sinabi ni Police Lt/Col. Richard Ang, hepe ng Dasmariñas CPS, lumitaw sa imbestigasyon na pinalo ni Rubi ng martilyo ang biktima at nang makitang buhay pa ay nagpakuha ng patalim kay Jhoana Marie upang tuluyang patayin.

Inilibing ang biktima sa hindi pa tapos na septic tank sa tabi ng kanilang bahay saka sinimento.

May matindi umanong galit sa biktima si Rubi kaya pinagplanuhan ang krimen. (Gene Adsuara)

Leave A Reply

Your email address will not be published.