Abante Tonite Interactive

Nandaya sa tong-its, tinodas ng mag-aama

0 573

Nasawi ang isang senior citizen makaraang bugbugin at pagsasaksakin ng apat na katao, kabilang ang mag-­aamang kapit­bahay, dahil lamang sa sugal na tong-its habang nakiki­paglamay sa patay kamakalawa ng gabi sa Marikina City.

Isinugod pa sa Amang Rodriguez Medi­cal Center ang 64-anyos na biktimang si Alfredo Santos pero idineklara itong dead-on-arrival sa nasabing pagamutan.

Samantala, naaresto naman ang mga suspek na sina Jerry Matre, mga anak nitong sina Jerry Jr. at Jestoni, at ang ika-apat na si John ­Jarlego, pawang residente ng ­Apitong St., Brgy. Marikina Heights.

Ayon kay Sr. Supt. Roger Quesada, hepe ng Marikina Police, naganap ang krimen dakong alas-8:10 ng gabi sa isang lamay ng patay sa Purok 4, Apitong Street.

Naglalaro ng tong-its ang suspek na si Jerry Jr. at ang biktima kasama ang isa pang lalaki nang magtalo ang mga ito dahil sa pandaraya umano ni Santos dahilan upang sipain ito ni Jerry Jr. sa katawan.

Umuwi naman ang biktima pero makalipas ang ilang minuto ay bumalik itong armado ng patalim at muling kinompronta si Jerry Jr. hanggang sa pagtulungan na siyang gulpihin ng apat na suspek at pinagsasaksak pa nang maagaw sa kanya ang hawak na patalim.

Nadakip naman ang mga suspek ng rumes­pondeng mga pulis at nakakulong na nga­yon sa detention cell ng Marikina Police Station. Nakatakda silang kasuhan ng homicide. ­