Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Nangatog sa NBI! Pharmally exec Mago kinanlong ng Kamara

0 80

Naunahan ng Kamara ang National Bureau of Investigation (NBI) sa paghahanap nito kay Krizle Grace Mago, ang opisyal ng Pharmally Pharmaceutical Corporation na nagsabing dinoktor umano ang label ng mga face shield na ibinenta sa gobyerno noong 2020.

Inihayag ng Kamara na nasa protective custody na nila si Mago.

Ayon kay DIWA party-list Rep. Michael Aglipay, chairperson ng House committee on good government and public accountability, dumating si Mago sa Batasan Complex sa Quezon City alas-6:30 ng gabi.

Sumulat na si Aglipay kay Senador Dick Gordon, chairperson ng Blue Ribbon Committee, upang ipaalam na nasa Kamara na si Mago.

“Should you require her participation in any of your hearings, please communicate with the Committee Secretariat and we will make the necessary arrangement,” sabi ni Aglipay sa sulat.

Noong Setyembre 27 ay nagpalabas ng subpoena ang komite ni Aglipay matapos na hindi sumipot si Mago.

Ayon kay Aglipay nakipag-ugnayan si Mago kay Speaker Lord Allan Jay Velasco noong Setyembre 30 at ipinaabot ang kanyang pagnanais na pumasok sa kustodiya ng Kamara.

Sa sulat, sinabi ni Mago na hindi ito makapagsalita ng malaya kaugnay ng iniimbestigahang kontrobersya.

“I feel that my life and liberty is in grave danger because of my coming out and my desire to speak the truth. Also now, I came across the information from the news that the police and NBI are tracking me down including my grandparents’ home in the province and took photos and videos without their consent. I truly regret that I am being treated like a fugitive from justice,” sabi ni Mago sa sulat kay Velasco.

Batay sa sulat na ipinadala ni Aglipay kay House Sergeant-At-Arms retired General Mao Aplasca (retired) si Mago ay mananatili sa kustodiya ng Kamara ng hindi bababa sa dalawang buwan.

Matatandaang hiniling ng Senado ang tulong ng NBI para hanapin si Mago nang hindi ito sumipot sa sumunod na pagdinig matapos ang kontrobersiyal na pahayag ukol sa mga dinoktor umanong face shield expiration date ng Pharmally. (Billy Begas/Eralyn Prado)

Leave A Reply

Your email address will not be published.