Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Nangikil online, kelot tinimbog

0 188

Arestado ng mga ahente ng National Bureau of Investigation-Central Luzon ang isang lalaking nagtangkang kikilan ng P2,000 ang kanyang nakatransaksiyon online kamakailan sa San Fernando City.

Sinampahan ng kasong robbery extortion ng NBI ang suspek na si Alfonso Juaquin Lazatin sa San Fernando Prosecutors Office.

Sa reklamo ng biktima, noong Oktubre 2020 ay nakita niya sa Facebook post ng suspek na nag-aalok ng swapping para sa Xiaomi Red Note 9 cellphone. Nagkasundo ang dalawa na mag-swap ng kanilang cellphone.

Makalipas ang ilang panahon, tumawag ang suspek sa biktima at ipinaalam na sumabog daw ang baterya ng cellphone. Pilit itong nanghihingi ng P2,000 sa biktima para sa repair ng battery.

Una umanong tumanggi ang biktima pero nagbanta ang suspek na ita-tag siya online na isang scammer at ipu-post ang kanyang tunay na pagkakilanlan .

Gayundin ipu-post ang kanyang sex videos na na-retrieve sa kanyang cellphone.

Dito na humingi ng tulong sa NBI ang biktima at ikinasa ang entrapment operation kung saan nagkasundo na magkita sa isang mall sa Telebastegan, San Fernando City noong Abril 15.

Kaagad na inaresto ang suspek nang kunin ang P2,000 marked money. (Juliet de Loza-Cudia)

Leave A Reply

Your email address will not be published.