Abante Tonite Interactive

Naningil ng pautang pinaslang

518

Nang dahil lamang sa utang, nasawi ang isang lalaki nang barilin ito ng kanyang sinisingil sa Barangay Hagonoy Taguig City kamakalawa.

Namatay noon din ang biktima na nakilala lamang sa alyas ‘Cholo’, nasa
30-35 anyos, may taas na 5’9, nakaitim na T-shirt, green sport jacket, blue short pants at katamtaman ang pangangatawan makaraang magtamo ng dalawang bala mula sa hindi pa batid na kalibre ng baril sa dibdib.

Sa report ni Police Colonel Alexan­der Santos, hepe ng Taguig City Police, alas-sais ng gabi nang maganap ang insidente sa Capistrano Ext., Brgy. Hagonoy ng nasabing lungsod.

Sa kuwento ng Grab driver na si Rowell Santiago, sumakay ang biktima sa may Pasig at nagpahatid sa Taguig para maningil ng pautang.

Pagsapit sa Capistrano Extension ay bumaba na ang biktima at sinabihan ang grab driver na hintayin siya saglit para maningil ng pautang.

Subalit makalipas ang sandali ay nakarinig na lamang si Santiago ng sunod–sunod na putok at nang puntahan ay tumambad ang duguan at wala nang buhay na pasahero nito.

Mabilis namang tumakas ang hindi pa nakikilalang salarin.
Agad namang ipinagbigay-alam ng grab driver ang insidente at kinuhanan din ng salaysay ng mga awtoridad.

Ang labi ng biktima ay nakalagak ngayon sa Rizal Funeral Homes. (Armida Rico)