Abante Tonite Interactive

Naningil ng renta tigok sa suntok

By
648

‘Knockout’ at tulu­yang hindi na nakabangon pa ang 45-anyos na landlord makaraang bigyan nang sunod-sunod na suntok sa ulo at mukha ng kanyang tenant matapos na singilin sa renta sa Quezon City, kahapon nang madaling-araw.

Batay sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), ang biktima ay nakilalang si Eddie Gana Rago, at naninirahan sa No. 64, Sorsogon St., Lupang Pa­ngako, Brgy. Payatas, QC.

Si Rago ay binawian ng buhay dakong ala-1:46 nang madaling-araw kahapon habang ginagamot sa East Avenue Medical Center sanhi ng tinamong grabeng pinsala sa ulo, ayon sa atten­ding physician na si Dr. Julia Rafael Santos.

Agad namang na­aresto ang suspek na si Dennis Basibas Marteja, 43-anyos, obrero, tenant ng biktima.

Sa salaysay sa pulisya ni Emiliana Barlizo, kapitbahay ng biktima, dakong alas-8:30 nang gabi kamakalawa, habang nagpapahinga siya sa loob ng kanyang tahanan ay narinig na lamang niya na nagsisigawan sina Rago at Marteja.

Dahil dito ay lumabas ng bahay si Barlizo upang alamin ang pangyayari subalit nakita na lamang niya na nagmamadaling lumabas ng compound ang suspek at ang live-in partner nito na nakila­lang si Edna Asis, pero agad ding napigilan ng mga barangay tanod sa lugar.

Agad namang isinugod sa ospital ang nasabing landlord subalit binawian din ito ng buhay.

Hinala ng pulisya, posibleng nagalit umano ang suspek matapos na kulitin ng biktima na bayaran ang renta nito sa inuupahang kuwarto.