Abante Tonite Interactive

Nanitang MMDA inumbag ng driver, konduktor

563

Sugatan ang isang tauhan ng Sidewalk Clearing Operation Group (SCOG) ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) makaraang pagtulungang gulpihin ng isang bus driver at konduktor na kanyang sinita sa EDSA Ortigas, Mandaluyong City, Biyernes ng umaga.

Agad isinugod sa Medical City Hospital ang biktimang si Arvin Gabay, miyembro ng SCOG ng MMDA sanhi ng tinamong mga sugat at pasa sa mukha at katawan.

Agad namang naaresto ng Highway Patrol Group (HPG) ang driver ng Diamond Star Bus na si Harold Reyes at konduktor nitong si Rolly Sambayon.
Ayon kay Celine Pialago, alas-7:15 ng umaga nang maganap ang insidente sa EDSA Robinsons Galleria, Ortigas.

Pinagtulungan umanong bugbugin nina Reyes at Sambayon si Gabay dahil sa sinita nito ang driver sa ‘overstaying’ nito sa Ortigas Northbound.

“Yung tao nating nagko-conduct ng clearing sa gilid ng Robinsons Galleria sa EDSA, katuwang po natin ‘yan sa pagmamando ng trapik. Napansin niya ‘yung isang bus hindi umuusad, naghihintay ng pasahero, sinita po niya ito” ani ng tagapagsalita ng MMDA.

Sa pagsisiyasat, ang naturang bus ay biyaheng Malanday-Baclaran.
Nabatid pa na expired ang lisensya ng driver kaya patong-patong ang kaso nito. (Armida Rico)