Abante Tonite Interactive

Nanunog sa 2-anyos nagbigti sa selda

0 498

Dahil umano sa sobrang depresyon matapos kasuhan ng murder sa ginawang pagpatay at panu­nunog sa 2-anyos na batang anak ng kinakasama, nagpakamatay sa pamamagitan ng pagbibigti sa sarili ang 65-anyos na suspek sa loob ng kanyang selda kahapon ng madaling-araw sa provincial detention cell sa Lanao del Norte.

Nakabigti pa gamit ang sling rope nang matagpuan sa loob ng banyo ng kulungan ang presong si Florencio, 65.

Sa ulat na ipinadala ng Lanao Police Provincial Office (PPO), alas-12:15 ng madaling-araw nang madiskubre ang pagpapakamatay ni Florencio matapos mag-inspeksyon ang duty jailguard na si PNCO Crissan Lilanie Parba.

Tumambad ang wala nang buhay na preso na nakabigti sa loob ng banyo.

Matatandaang si Florencio ay suspek sa pagpatay at pagsunog sa 2-anyos na anak ng kanyang kinakasama nitong Linggo, Pebrero 9.

Nagalit umano ang salarin sa kinakasama dahil sa nawawala ­nitong P12,000 at ang babae ang pinagbibintangan ng una.

Kinaladkad ni Flo­rencio ang mag-ina sa bakanteng lote.

Nakaalpas ang ginang at naiwan ang bata. Pagbalik nito kasama ang hiningian ng tulong ay sunog na bangkay na ang anak. (Edwin Balasa)