Abante Tonite Interactive

Nanutok ng baril todas sa mga pulis

262

Todas ang isang magsasaka nang kumasa sa mga pulis na umawat sa kanya sa pagtutok ng baril sa isang babae sa Calauan, Laguna, Sabado ng umaga.

Kinilala ni Laguna police provincial director Police Col. Eleazar Matta, ang napatay na suspek na si Ariel San Gabriel, 48, nakatira sa Sitio Cupang, Brgy. Balayhangin, Calauan.

Sa ulat ng pulisya, naganap ang insidente dakong alas-11:15 ng umaga matapos madaanan ng mga miyembro ng Laguna Police Provincial Office (PPO) ang suspek na tinututukan ng baril ang isang babae.

Nagpakilalang pulis ang mga tauhan ng Laguna PPO at pinakiusapan ang suspek na ibaba ang kanyang baril.

Subalit imbes na sumunod ay bahagyang umatras ang suspek sabay sigaw na “Pulis din ako, magbarilan na tayo”, sabay pinaputukan nito ang mga pulis.

Gumanti naman ng putok ang mga pulis dahilan upang masapol ang suspek na agad na dinala sa San Pablo City Hospital subalit idineklara na itong dead-on-arrival ng sumuring doktor.

Nakuha naman sa suspek ang isang baril na kalibre .45. (Edwin Balasa)