Abante Tonite Interactive

Napakapit sa live wire electrician nangisay

0 258

Patay ang isang electrician nang aksidente nitong mahawakan ang isang live wire sa unang palapag ng ginagawang botika kahapon nang madaling-araw sa may Isetann Department Store sa Claro M. Recto Avenue, Sta. Cruz, Maynila.

Nalagutan ng hininga habang inoobserbahan sa Jose Reyes Memorial Medical Center ang biktimang si Angelo Puse, 34-anyos, ng Purok 13-E Taurus St., Carmel V Tandang Sora, Quezon City.

Ayon kay PCMSg. Lester Evangelista, ng Manila Police District-homicide section, alas-4:20 ng madaling-araw nang maganap ang insidente sa ground floor ng ginagawang drug store sa Isetann.

Sa imbestigasyon, nakita umano ni Jerico Escauso, 19, helper ng Samaka Compound, Quezon City na nagkikikisay ang biktima hawak ang talop na wire.

Kaagad umano nitong tinawag ang ama na supervisor at kaagad nitong tinanggal ang circuit breaker, saka mabilis na pinagtulungang isugod sa ospital ang biktima.

Alas-6:20 ng umaga nang itawag ng pagamutan sa tanggapan ng MPD-hs ang pagkamatay ng biktima. (Juliet de Loza-Cudia)