Abante Tonite Interactive

Napanaginip ang first love

0 180

Napanaginipan ko ang first love ko. 9 years na kaming hindi nagkikita at wala rin kaming komunikasyon.

Pero sa panaginip ko bumalik ako sa dati naming tinitirahan at hinahanap ko siya sa mga kaibigan niya. Hindi ko alam kung bakit ko siya hina­hanap. Matagal ko nang hindi naiisip ang first love ko kaya nagtataka ako kung bakit ko siya napanaginip. Sana po matulungan nyo po ako.

Ang first love ang itinuturing na pinaka-intense na naging relasyon at sinasabing mahirap itong kalimutan dahil dito ka unang nagmahal. Kaya hindi naman nakakapagtaka kung paminsan-minsan ay sumagi sa iyong panaginip ang iyong first love.

Madalas nangyayari ang ganitong panaginip kapag nakakaranas ka ng problema o may pinagdaraanang mga isyu sa iyong kasalukuyan relasyon. Kahit hindi mo naiisip ang iyong first love, naikukumpara naman ng iyong subconscious ang panahon ng inyong relasyon sa nangyayari sa iyo.

Posibleng ito ay dahil may pagkakatulad ang nararamdaman mong sakit o maaari namang sa likod ng isip mo ay naniniwala kang mauuwi rin sa wala ang iyong kasalukuyang relasyon. Kadalasan nati-trigger ang ganitong panaginip sa mga pagkakahawig ng sitwasyon gayundin ng iyong nararamdaman.

Kung naging masaya ka naman sa iyong first love at masaya ka ngayon sa kasalukuyan mong mahal ay posible ring naikumpara lamang ng iyong subconscious ang dalawang relasyon.

Hindi naman ito nangangahulugan na mahal mo pa ang iyong first love dahil ikaw na rin ang nagsabi na hindi mo naman siya naiisip at napakatagal na kayong walang komunikasyon.

Kung wala ka namang karelasyon, puwede ring sabihing wishful thinking ang iyong panaginip kung saan nami-miss mo ang pagkakaroon ng isang espesyal na relasyon.

Sa kabuuan, wala namang negatibong idudulot ang iyong panaginip. Tiyakin lamang na hindi mo gagawing standard ang iyong first love sa iyong kasalukuyang relasyon o maaaring sa paghahanap ng mamahalin. Magiging unfair ka sa iyong minamahal kung ikukumpara mo siya sa iba mong minahal at doon ka magkakaroon ng alalahanin.

Dream Catcher
DISCLAIMER: Ang DREAM CATCHER ay nagbibigay lamang ng general information tungkol sa mga kahulugan ng ating panaginip. Wala itong kinalaman sa relihiyon, kulto o anumang ispiritwal na aspeto ng buhay. Sa mga gustong isangguni ang kanilang panaginip, mag-email sa abantedreamcatcher@gmail.com.