Abante Tonite Interactive

NAPIGA, BUMAWI, KULONG!

87

Swak na swak ang hugot lines na ito sa sinapit ni Ronnie Dayan sa Senado kahapon matapos itong mapiga ng mga senador at naging dahilan ng kanyang pagbawi sa naunang testimonya na humantong sa pagkakadetine sa Senado.

Sa pagpapatuloy ng pagdinig kahapon ng Senado kaugnay sa pagkakapaslang kay Albuera Mayor Rolando Espinosa, bumaligtad na si Da­yan sa taon ng pagkikita nila ng drug lord na si Kerwin Espinosa sa Baguio City, kung saan nagkaabutan ng pera na para umano kay Sen. Leila de Lima.

Magugunitang nang magsalita sa Kamara kamakailan ay sinabi ni Da­yan na taong 2014 siya tumanggap ng pera mula kay Kerwin.

Dati ring sinabi ni Da­yan na tanging kay Kerwin lang siya tumanggap ng pera at itinanggi na may tinanggap siyang pera mula kay dating National Bureau of Investigation (NBI) Deputy Director Rafael Ragos at dating Bureau of Corrections (BuCor) Director Franklin Bucayu na nailagay sa matataas na puwesto matapos niyang irekomenda kay De Lima.

Bumaligtad si Dayan matapos ipakita ni Senator Richard Gordon ang litratong naka-upload sa Facebook, na nagpapa­kita na si De Lima ay nasa Burnham Park noong Nobyembre 19, 2015. Sa isang litrato, kasama ni De Lima si Kerwin at ang partner nito.

“Nahihirapan kami doon sa date eh. Sinasabi mo 2014, sinasabi noong kabila (ni Kerwin) 2015. Baka nagkakamali ka,” ayon kay Gordon nang ipakita nito kay Dayan ang litrato.

“Naalala mo na?” tanong ni Gordon at sinagot ito ni Dayan ng, “Opo, your honor.”

“So 2015?” tanong pa ni Gordon na sinagot naman ni Dayan ng “Opo, your honor, 2015.”

Maging si Senator Panfilo Lacson, chairman ng Senate public order and dangerous drug committee, ay hindi na rin napigilan na pagalitan si Dayan dahil sa ipinakita nitong pagiging selective pagdating sa kanyang naaalala.

Ito’y matapos na sabihin rin ni Dayan na hindi na niya matandaaan ang hotel na kanilang tinuluyan ni De Lima nang sila’y magtungo sa Baguio para sa pakiki­pagkita kay Kerwin.

“Susmaryosep, Bakit napaka-selective ng memory mo, Ronnie? Alam mo ‘yung selective memory? Parang naaalala mo lang ang gusto mong maalala at nakakalimutan mo ‘yung gusto mong makalimutan,” ­ayon pa kay Lacson.

Dahil sa paiba-ibang pahayag, ipina-contempt ni Senador Manny Pacquiao si Dayan dahil sumasakit na raw ang ulo ng senador sa pagsisinu­ngaling ng dating driver-bodyguard ni De Lima.

“May itinatago ka pa na iba na ayaw mo lang ibulgar,” ani Pacquiao.

“Mamatay man ako dito wala na akong kinuhaan ng ibang pera,” depensa ni Dayan.

Subalit makalipas ang ilang minuto, sinabi nito na naalala na niya na limang beses siyang kumubra ng P15,000 hanggang P30,000 mula kina Ragos at Bucayu.

“Ang dumaan lang sa akin sir ‘yung binibigay dati ni Ragos na P15,000, P30,000 parang suhol daw n’ya sa akin sa pag-recommend ko kay Mam bilang OIC director, ganun din po si Bucayu. ‘Yun lang ang naalala ko,” ayon ay Dayan.

Ngunit paglilinaw ni Dayan, wala siyang ideya kung ang natanggap niyang pera mula sa dalawa ay galing sa illegal drugs.

Nagdesisyon si Lacson na pansamantalang ikulong si Dayan sa detention faci­lity ng Senate Sgt At Arms hanggang sa mahanapan ito ng ibang pagkukulungan.

Nagbanta pa si Lacson na baka ikulong nila sa Building No. 14 ng maximum security compound ng New Bilibid Prison (NBP) si Dayan upang maalala nito na binibisita nito ang mga drug lord sa kulungan.

“Kaya binibigyan natin ng pagkakataon para mahimasmasan. ­Diyan na muna siya. Kanina nga may amended motion sa Muntinlupa ­siya dalhin. Pag nadala siya sa Bldg. 14 kukuyugin siya roon at baka paglabas ­niya roon e totoo na lahat na sa­sabihin niya,” ayon kay ­Lacson.