Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Napukaw ako sa pagkakahimbing

0 219

ILANG araw na ang nagdaan simula nang unang malaman ko na positibo sa COVID-19 ang aking butihing ama na si Sen. Ramon Bong Revilla, Jr. at sa pangyayaring ito ay tila nagising ako sa isang mahimbing na pagkakatulog sa maraming mga bagay.

Sa unang pagkakataon ay tila nahirapan akong magsimula kung paano ko isusulat ang artikulo kong ito dahil nga ang aking ama ang nais kong talakayin kung bakit sa kabila ng mga pag-iingat ay nahawa pa rin ito.

Bilang bise-gobernador ng Lalawigan ng Cavite ay abala ako sa maraming bagay na halos dumoble pa ang aking trabaho simula nang ideklara ng pamahalaan ang community quarantine sa iba’t-ibang bahagi ng bansa.

Matapos ang ilang panahon nang pamamahagi natin ng tulong sa ating mga kababayan ay hindi pa rin ito natatapos dahil sa nadagdagan pa ang nangangailangan ng tulong sapagkat marami ang mga nawalan ng hanapbuhay.

Ngunit lubhang napakaliit ng lalawigan ng Cavite kumpara sa buong bansa na ginagalawan ng aking ama bilang Senador dahil bukod sa pagdalo nito sa mga pagdinig sa Senado ay napakarami pa ng mga dapat nitong daluhan na bahagi ng kaniyang tungkulin.

Madalas ay pinaaalalahanan ito ng aking ina na si Bacoor Mayor Lani Mercado-Revilla na mag-ingat sa pakikisalamuha sa mga tao dahil nga sa banta ng pandemya at maging ang mga staff ng aking ama ay pinipigilan siyang dumalo sa mga gawaing puwede namang hindi na puntahan.

Pero lubhang napakasipag ng aking ama, nagagawa pa niyang mag-ehersisyo sa gym araw-araw bago pa ito magtungo ng Senado o iba pang aktibidades dahil sa ayaw nga nitong tumaba at nais niyang maging aktibo pa rin ang pangangatawan.

Marahil ito ang dahilan kaya malakas ang pangangatawan ng aking ama at kumpara sa maraming nahawa sa COVID-19 na halos humihiyaw sa hirap ay higit na mas mabuti-buti ang kaniyang kalagayan.

SM SuperKidsDay Banner Ad

Ngunit hindi lamang pala pisikal na sakit ang dulot ng COVID-19 dahil buong pamilya namin ay apektado, mga kaanak at lahat ng nagmamahal sa aking ama ay tila damang-dama ang hirap na kaniyang nararamdaman.

Dati-rati, anumang oras na magkita kami ay agad ko siyang nayayakap at nahahalikan ngunit ngayon ay hindi maaari dahil sa nakabukod siya ng ginagalawan at maging aking ina ay ramdam ko ang dinaranas na pighati na hindi kapiling sa isang silid ang aking ama.

Ang ama ko lamang ang nagpositibo ngunit tila ang aking mga kapatid ay ramdam na ramdam din ang pinagdadaanan ng aking ama at maging ang sigla sa aming tahanan ay tila nabawasan dahil sa labis na pag-aalala.

Masama mang mag-isip ng negatibo ngunit hindi maiaalis ang nararamdaman naming pangamba dahil nga sa napakarami na ng binawian ng buhay dahil sa nahawa lamang sa COVID-19.

Ngayon ko lamang napagtanto na hindi lamang pala pisikal na sakit ang dulot ng COVID-19 dahil tumatagos ito sa lahat ng kaanak na higit na nakararamdam ng emosyonal na paghihirap.

Sa isang banda ay nakaramdam din ako ng kurot sa aking puso dahil sa dami ng mga nagpahayag ng suporta at panalangin para sa aking ama na minsan pa ay napatunayan kong marami talaga ang nagmamahal sa kaniya.

Maraming salamat sa inyong lahat na hindi nakakalimot sa aming pamilya partikular sa aming ama na nitong nagdaang mga araw ay patuloy naman sa pagbuti ng kaniyang kalagayan.

Muli, maraming salamat po.

Leave A Reply

Your email address will not be published.