Abante Tonite Interactive

Napundi o naurot?

By
15

Sinimulan ngayong araw ng Lunes, ika-20 ng Nobyembre, ang mahigpit na pagbabawal sa mga pampasaherong bus na lumabas sa “Yellow Lane” sa EDSA.

Ayon sa MMDA, pa­ngunahing dahilan ay upang mabawasan ang matinding trapik sa EDSA.

Hindi na bago ito, dahil sa panahon ni ­dating Chairman Bayani ­Fernando sinimulan ito.

Isang barumbadong tsuper lamang ng bus na sumingit sa mga takdang “loading at unloading station” sigurado ang target na “30-second rule” ay mabubulilyaso.

Ayon sa MMDA, sisikapin ng ahensiya na makabuo ng “template” sa pagpapaluwag ng daloy ng mga sasakyan sa EDSA lalo na kung “rush hour”.

Agad isusunod ang “motorcycle lane”. Didisiplinahin ang mga “barubal” na motorider.

***

Makabawas nga kaya ng “trapik” ang bagong diskarteng ito ng MMDA?

Anong “template” kaya ang gusto ng MMDA para gawing hulmahan sa pagpapaluwag ng trapik sa buong Metro Manila?

Kung ang lahat ng nagmamaneho ay nasa kukote ang “road discipline at courtesy”, hindi na kailangan pang ipagduldulan na ang ilang bahagi ng EDSA at ganon rin sa Commonwealth Ave­nue ay ilaan para sa mga bus at nagmomotorsiklo.

***

Patuloy ang pagdami ng mga sasakyan sa bansa lalo na sa Metro Manila at iba pang mga lungsod. Pero ang mga kalsada ay hindi nadadagdagan.

Ang mga motorsiklo ay mga kabuteng nagsulputan.

Dapat dagdagan ang mga kalsada. Kung hindi na kayang palaparin ang EDSA, sa ibabaw magtayo.

Baka pwedeng gamitin ang pondo mula sa Road User’s Tax sa pagtatayo ng mga “elevated access roads” papasok at palabas sa EDSA.

***

Umiinit ngayon ang usapin ng Revolutionary Government.

Ang grupong Network Revolution sa isang pulong balitaan ay hayagang isinulong na palitan ang 1987 Constitution ng panibagong Saligang Batas at Pederalismo.

Mga kilalang perso­nalidad ang humarap sa media at sinasabing sinusuportahan din ng mga lider-politiko na kabilang sa mga nagdaang admi­nistrasyon.

***

Nagbanta si PDu30 na idedeklarang “terror organization” ang New People’s Army.

Napundi na ba si Pre­sidente o naurot lamang matapos makipag-usap kay US Pres. Donald Trump?

Kung mangyayari ito, asahan na ang crackdown.
Saan ilalagay ang mga naaresto?
Sa hindi nagamit na mega rehab center sa Nueva Ecija?