Abante Tonite Interactive

Narco-politiko sa Manila, Calabarzon, Visayas isusunod ni Digong

339

Isusunod ng Malacañang na ilabas sa publiko ang mga pangalan ng ­narco-politician mula sa Metro Manila, Calabarzon at Visayas.

Ito ang tiniyak ni Pangulong Rodrigo Duterte matapos isapubliko nitong Huwebes ng gabi ang partial list ng mga politikong sangkot sa iligal na droga.

Sinabi ng Pangulo na iniimbestigahan pa nila ang mga nasa listahan at hiniling nito na i-reva­lidate ang impormasyon laban sa mga ito.

Ayon sa Pangulo, talamak ang problema sa Metro Manila at Calabarzon (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon Province) area kaya kailangang makasiguro sa mga impormasyong natatanggap nila laban sa mga halal na opis­yal na sangkot sa illegal drug trade.

“We will continue to investigate the guys in the Visayas, especially in the Greater Manila Area and the Calabarzon. These are heavily contaminated. But any initial announcement now would I think be counter-productive. So limitahan muna natin,” anang Pangulo.

Pero sinisiguro ni Pa­ngulong Duterte na ila­labas nila ang natitirang pangalan sa narco-list kahit pa sa mismong araw ng eleksyon, kapag na-revalidate na ang mga ito.

“We might decide even on election day. If we can. I ask for a reva­lidation just to make sure that the rules of fair play comes into play,” dagdag pa ng Pangulo.

Sinabi pa ng Pangulo na maihahalintulad sa pagtataksil sa ba­yan ang pagkakasangkot ng mga politiko sa iligal na droga dahil sinira ng mga ito ang tiwalang ibi­nigay sa kanila ng ­taumbayan.

“This is actually treason. You are in the government and you commit a crime, it could be ­likened in the olden times, it would be categorized as treason,” anang Pangulo.

Dagdag pa ng Pangulo na may karapatan ang mamamayan, partikular ang mga botante na pu­mili ng tapat, karapat-dapat at hindi kriminal na mamuno sa kanila.

Ang 46 pangalan ng mga incumbent government official na inilabas sa partial list ay sinampahan na ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa Office of the Ombudsman ng mga kasong administratibo partikular ang grave misconduct, conduct prejudicial to the best interest of the service, conduct unbecoming of a public officer at gross neglect of duty.

Ayon kay DILG Secretary Eduardo Año, sa Ombudsman na lamang magpaliwanag at idepensa ng mga narco-politician ang kanilang ­sarili.