Abante Tonite Interactive

NAS: Tulong sa mga atleta

246

Lusot na sa Kamara ang panukalang pagbuo ng National Academy of Sports (NAS) na layong palakasin pa ang kakayahan at talento sa sports ng mga estudyanteng Pilipino.

Sa botong 206 na pabor at walang tumutol, pasado na sa ikatlo at pinal na pagbasa sa plenaryo ang House Bill 6312 na target makapagpatayo ng eskuwelahang magsisilbing pangunahing training center para sa mga atletang Pinoy.

Itatayo ang main campus gayundin ang mga sports facility at amenity sa New Clark City sa Capas, Tarlac.

Magbibigay ang NAS ng scholarship at mga benepisyo sa mga karapat-dapat na estudyante na nakitaan ng potensyal o talento sa palakasan gayundin sa nagpamalas ng galing sa academic.

Naniniwala si Speaker Alan Peter Cayetano, ang pangunahing may-akda ng panukala, na ang pagtatayo ng NAS ang magbibigay-daan upang lalo pang mahasa at maging pang-world class ang husay ng mga manlalaro sa bansa.

Maghihikayat din aniya ang kabataan na pumasok sa sports sa halip na mahikayat sa anumang bisyo katulad ng iligal na droga. (Eralyn Prado)

Tonite – Wendys Inhouse Ad