Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Nasa Diyos hindi sa bakuna ang ating katiyakan at seguridad!

0 193

Akala ng marami oras na makumpleto ang bakunang proteksiyon o panlaban sa COVID-19 tiyak na ang kaligtasan at kalusugan, hindi batid na kahit na nabakunahan na maari pa ring magkaroon ng kinatatakutang peste. Ngunit kailangang mamulat ang tanan na nasa Diyos ang ating buhay at kinabukasan- Siya lang talaga ang katiyakan ng ating kaligtasan.

Sadyang walang kasiguruhan ang buhay sa mundong ibabaw- Ito ang ibinabahaging aral ng mga pagbasa ngayong Ika-12 Linggo ng Karaniwang Panahon. Sandyang maraming nakaambang panganib kaya’t ‘di natin alam kung ano ang kinabukasan. Para tayong naglalakbay sa karagatan ayon sa Simbahan. Maaaring dumating ang samu’t saring bagyo ng buhay.

Mahalagang aral ng Ebanghelyo ngayong araw (Mc 4:35-41) na sa kawalan ng seguridad, sa gitna ng pagkabagabag, sa pag-atake halimbawa ng karamdaman, ligalig at kawalan ng direksiyon o patutunguhan, lalo na katulad ngayong nagpapatuloy ang pandemya, kailangan nating tumawag sa Panginoon sapagkat tinitiyak Niya na narito lang Siya sa ating tabi.

Sa Mabuting Balita, pinatigil ni Hesus ang malalakas na alon at hangin na siyang ugat ng lubhang pagkatakot ng mga disipulo. Ang tugon ni Hesus sa kanilang pagkabalisa: “Wala ba kayong pananalig?” Totoo, sa piling at pangangalaga ng Diyos, wala tayong anumang dapat ipangamba! Sa panahong nasusubok ang ating pananampalataya, pinapaalalahan tayong kasama natin ang Diyos.

SM SuperKidsDay Banner Ad

Giit ng Iglesya, kumakalma ang bawat unos sa buhay kung nakakabit ito sa matibay na pananalig sa Diyos. Laging nakaantabay at handang magligtas sa atin ang Poon. Kahit sabihing malayo na ang naabot natin sa larangan ng Siyensiya, hindi pa rin natin masasabing lubos na kontrolado natin ang buhay- marami pa rin tayong hindi alam! Ito ang hamon sa atin upang tayo ay makipag-isa sa Panginoon at paigtingin pa ang ating pananalig sa Kanya.

Paayaya marahil ang hapis at kabiguan nating nararanasan sa mundo ngayon na panibaguhin ang ating pananampalataya. HIndi maipagkakaila na ang buhay sa daigdig ay batbat ng maraming hilahil at ligalig, walang katiyakan na ligtas na tayo sa panganib, may mga darating pang bagong sakit at sakuna, subalit kung may pananalig, kung tayo ay nakakapit sa Diyos, wala tayong dapat ikatakot, ipangamba at ikaligalig!

Sa madaling salita, tiyak ang ating kaligtasan kung nasa atin ang Panginoon, pandemya man o hindi. Mayroon tayong tanglaw at liwanag kaya makatatahak tayo sa paglalakbay patungo sa lubos na kagalingan, kaligtasan at buhay na walang hanggan. Ito ang tinitiyak sa atin ng Panginoon, kaya’t mainam na kumapit tayo sa Kanya at huwag bumitiw.

Mainam ngayong kasagsagan ng krisis na maging instrumento tayo ng kalakasan ng loob para sa mga nanghihina o nawawalan ng pag-asa dahil sa dinanas na mga problema sanhi ng laganap na virus. Nawa ang patuloy na presensiya ni Hesus sa ating piling sa gitna ng matinding pagsubok ang magpatibay sa ating loob sa buo nating kumpiyansa sa Diyos.

Leave A Reply

Your email address will not be published.