Abante Tonite Interactive

Nasa korte na ang bola!

299

Unang tanong: Normal bang kalakaran ang pagsisilbi ng arrest warrant sa alas-singko ng hapon?

Kahit sabihing may “night court” na bago sa pandinig ng marami, hindi garantiya na mayroong hukom na pre­sent sa night court para tumanggap ng piyansa.

Kaya hindi masisi ang ilang kababayan na mariing kumukondena sa pag-aresto kay Maria Ressa, ang beteranang journalist na chief executive officer (CEO) ng online news organization Rappler.

Dumagdag pa sa ngitngit ng ilan ang kanilang duda na ganti ito ng mga taong nasagasaan ng determinado at nagtatagumpay nang laban ng Rappler kontra fake news.

Matatandaang sa Rappler at mismong kay Maria Ressa nagpatulong ang Facebook administration para mabura sa pinakamalaking social media network/platform ang pabrika ng fake news at mga tagapagpakalat nito – na ang karamihan ay pro-Duterte sites at accounts.

Hirit naman ng Malacañang, malinaw na judicial issue ito. May kasong isinampa sa korte na siyang pinag-ugatan ng arrest warrant.

Diin pa nga ni Presidential spokesman Salvador Panelo, “no one is above the law” kahit pa ang media na siyang ikalimang haligi ng demokrasya.

Tama rin naman talaga na nasa korte ang bola. Dapat ipaubaya sa hukuman ang lahat ng kaso, pati na ang cyber libel na kinakaharap ni Maria Ressa. ‘Yan ang isinasaad ng Konstitusyon.

Pero sa ganitong sitwasyon, hindi maiwasang maglaro sa pakiramdam ng tao na napakabilis gumalaw ng batas na latiguhin ang mga kritiko at palaban sa maling sistema habang mabilis din ang pagpabor sa mga kapanalig.

Impresyon ito at pakiramdam ng tao. May basehan man o wala, kailangan sigurong maging sensitibo rito ang gobyernong Duterte.