Abante Tonite Interactive

Nasa ugali, hindi sa kulay!

572

Rey Marfil

Kung ang mapansin o mapag-usapan ang pa­kay ng mga taong nasa likod ng isang produktong pamputi, aba’y nagtagumpay sila. Iyon nga lang, may kasamang banat ang nangyaring talakayan sa mensahe ng kanilang pakulo dahil nakanti nila ang pagi­ging sensitibo ng mga kulay ‘kayumanggi’.

Sabi ng ating kurimaw na parang siko ang kutis, wala namang masama sa mga taong nais maging maputi. Iyon nga lang, napansin niya na parang nagpapahiwatig ng diskriminasyon ang mensahe ng ads. Mas madalas kasi na pinapaupo sa bus ang mga mapuputi. Habang sa isa pa, ang morena raw ang tagakuha ng picture sa kasamang maputi na napagkakamalang artista.

Sa kabuuan ng ads, sinasabing mas nakakakuha ng magandang pagtrato ang mga taong maputi. Ganun?

Humingi na ng paumanhin ang mga taong nasa likod ng natu­rang ads matapos silang upakan ng mga netizen at maging ng mga celebrity na kayumanggi.

Mukhang hindi sila natuto sa dating cover ng isang magazine na inulan din ng puna nang dahil sa tema ng photo shoot. Ang artista na sentro ng cover, maputi, habang tila naging alalay niya ang mga mo­delong may ‘kulay’ ang balat na nakapalibot sa artista.

Kung talagang ­angat ang mga mapuputi, bakit marami ang nagbababad sa beach at araw para ‘mangitim’? At alam ba ninyo mga tsong na marami ang gusto ng kayumangging balat natin dahil mas may panlaban tayo sa skin cancer kaysa sa mga mapuputi. May nakita ka na bang kayumanggi na may freckles? Baka an-an o had-had puwede pa.

Dapat magsilbing aral sa iba ang naging reaksyon ng publiko sa produktong ito na pampaputi. Kahit maraming Pilipino ang gustong pumuti, higit na mas marami ang nais na manatiling kayumanggi, na nais ang pantay na pagtrato — anuman ang kulay. Isa pa, wala sa kulay ang ikagagan­da at ikagagalang ng isang tao. Ang kasabihan nga, mas dapat tingnan ang isang tao sa kaniyang kalooban kaysa sa panlabas na anyo.

Napag-usapan na rin lang natin ang tungkol sa ‘messaging’ o mensahe ng isang produkto, hindi rin nakaligtas sa isa nating kurimaw na atat nang bumoto sa Mayo, ang sinabi ng isang kongresista na may ‘manok’ na senatoriable.

Puna ng ating kurimaw, parang ‘mema’ lang daw o may masabi lang ang hirit ng kongresista dahil parang nasa carnaval na nagpapadulas ang ranking ng kaniyang kandidato dahil dumadausdos na ito o nawala na sa magic 12 ng nagdaang mga survey.

Sa mga mahuhusay na spokesman ng mga kandidato, kapag nawala sa winning circle ang kanilang manok, sasabihin nilang pag-aaralan nila kung saan sila babawi para makabalik sa laban. In short, hindi siya magsasalita na maaa­ring ikapahamak ng kanilang kandidato. Kasabihan kasi sa politika lalo na kapag eleksyon na ‘politics is addition, not subtraction’.

Ang kaso ang ginawa ng kongresista, sinisi na ang kasalukuyang administrasyon dahil sa mga pagbanat sa kaniyang manok, aba’y idinamay pa sa sisi ang dating administrasyon na kanilang kinaani­ban. Katunayan, na­ging kandidato rin sa nakaraang 2016 elections ang kaniyang manok at natalo rin. At ngayong nanganganib na naman matalo ang kaniyang manok, isinisisi pa rin niya ito sa dating administrasyon.

Nakalimutan yata ng kongresista na ang kasamang kandidato ng kaniyang manok eh nanalo kahit pa nangu­lelat iyon sa simula ng survey.

Aba’y lahat eh sinisi na ng kongresista sa iba dahil sa pagbagsak ng manok nila sa survey pero hindi niya sinisisi ang sarili at iba pa niyang mga kasama na nagpapatakbo sa kampanya ng kaniyang kandidato. Hindi ba nila naisip na hindi kumukonek sa tao ang mga ginagawa nilang political ads? Sayang ang bayad sa kanila ng kandidato at pati na ang gastos sa ad placement.

Pero hindi pa naman dapat mag-panic ang kongresista dahil may isang buwan pa naman ang kampanya. Mag-isip sila ng ‘messaging’ na akma sa kanilang kandidato na kokonek sa mga tao lalo na sa masa. Makabubuti rin siguro kung maghaha­nap ng bagong magpapatakbo sa kaniyang kampanya ang kandidato at huwag nang pagsalitain sa media ang kongresista.
Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo”.