Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Nasaan ang ayudang hindi pa natatanggap ng mga benepisyaryo?

0 344

Magtatapos na ang Season 3 ng lockdown sa Metro Manila bukas, Agosto 20. At dahil sa sumisirit na  kaso ng COVID-19 Delta variant, pag-uusapan ng mga Metro Manila mayors kung irerekomenda nila sa inter-agency task force (IATF) na i-extend o bibigyan na ng “the end”  ang serye ng enhanced community quarantine (ECQ).

Siyempre pag may lockdown, may ayuda dapat ang sambayanan na apektado ng pagsasara ng mga establisamyento at industriya.

Pero teka, paano naman tyo makasisiguro na lalapag sa palad ng mga benepisyaryo ang kanilang ayuda?

Alin ang mas madali at epektibo?  Yung pila-pila system na ginawa ng ibang local government unit (LGU) ngayong SAP 3 o ang mas epektibong online ayuda gamit ang sistemang mobile wallet?

Inumpisahan ang online na bigayan ng ayuda noong SAP2 at sa totoo lang ay garantisado naman ito dahil mas mabilis na nakuha ng mga benepisyaryo ang kanilang ayuda.

Ginamit ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang Starpay, Paymaya at Gcash pati na rin ang UnionBank, RCBC at Robinsons Bank.

Ok na sana ito dahil hindi na kailangang pumila kung saan-saang lugar ang mga benepisyaryo. Isang click lang at papasok na sa account ng benepisyaryo ang ayuda at puwede na nilang ma-cash out.

Kaya lang, pumalpak ang DSWD dahil sa pagkuha ng Starpau na hindi naman epektibong money issuer. Hindi na nga kilala, sablay pa, tsk.. tsk.

Sa pagitan ng Starpay at GCash, alin ba ang mas kilala at pipiliin ng masa?

Sa pagkakaalam namin, ang GCash ay mayroong 33 milyong users at 73,000 partner merchants habang wala kaming mahagilap na tiyak na bilang ng users ang Starpay.

Sa pasabog nga ni Sen. Manny Pacquiao, ang Starpay na hindi masyadong kilala ng masa ang napili ng DSWD na bigyan ng napakalaking halaga ng ayuda para sa 1.4 milyong benepisyaryo. Ipinagmalaki pa ng money issuer na ito na 1.6 milyong benepisyaryo ng SAP ang na-assign sa kanila.

Ang ikinagigil ni Sen. Pacquiao,  800,000 lang mula sa 1.4 milyong benepisyaryo ang nakapag-download ng Starpay app.

Hindi nga naman lahat ng benepisyaryo ay mga techie o marunong sa modernong teknolohiya. Kaya hayun, marami ang nahirapang ma-access ang Starpay app kaya hindi nila nakuha ang kanilang ayuda.

Ang tanong nga ni Sen. Pacquiao, saan napunta ang pera para dun sa 600,000 benepisyaryo na hindi nabigyan ng ayuda online? Nasaan ang humigit-kumulang P40 bilyong piso? Naisoli ba agad ito sa DSWD o pinatulog muna ng Starpay?

Alalahanin nating sa bawat araw na manatili sa bank account mo ang bilyon-bilyong piso, hindi biro ang interes na papasok sa account mo?

Pwes, kaninong account ito natulog kung hindi agad ito naibalik sa DSWD? Sino ang masuwerteng kumita sa interes na kinita ng pondo sa bangko?

At ngayong nasa SAP3 na tayo, baka naman maulit ang mga katanungang iniwang nakatiwangwang ng SAP2? Baka marami na namang kababayan natin ang hindi makatanggap ng ayuda?

Panahon po ng pandemya. Sana naman ay huwag idaan sa palakasan, wag naman sanang ibase sa personalidad o sa kung sinumang may-ari ng online payment system ang pagbabagsakan ng ayuda.

Madali lang naman po yan eh. Piliin kung alin ang higit na abot-kamay ng masa. Anong money issuer ba ang tunay na makakapagbigay agad ng ayuda. Simplihan lang natin, huwag nang gawing komplikado ang sistema.

Huwag n’yo ng pahirapan ang mga tao. Yung halagang P1K hanggang P4K ang ayuda, ibigay ninyo sa paraang mas mabilis, mas madali at mas tiyak na matatanggap.

Leave A Reply

Your email address will not be published.