Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Nasaan ang bakuna?

0 263

Sinimulan ang “mass roll-out” ng programa ng pagbabakuna ng gubyerno laban sa COVID-19 noong Marso 1, nang maturukan si Dr. Gerardo Legaspi, ang direktor ng Philippine General Hospital, ng Coronavac, ang bakunang gawa ng Sinovac ng China. Siya ang kauna-unahang ligal na binakunahan sa loob ng bansa (labas sa ilang opisyal ng Gabinete ni Pang. Duterte, na hindi pa rin natutukoy kung sino hanggang ngayon, at mga kawal ng Presidential Security Group, na umamin na ilegal na nagpaturok sila ng mga smuggled na bakuna noon pang nakaraang taon). Ayon sa propaganda ng administrasyon, nilalayon nilang mabakunahan ang 50 milyon hanggang 70 milyong mga Pilipino sa katapusan ng 2021.

May katwiran na ituring na pawang pantasya at kabalbalan ang numerong ito, na patuloy pa ring binabanggit ni “Vaccine Czar” Carlito Galvez, Jr. Hindi ito nalalayo sa kasinungalingang walang kagatol-gatol na sinambit ni Presidential Spokesperson Harry Roque Jr. kamakailan, na libre umano ang testing para sa COVID (“I want to point out that testing is virtually free”). Alam ng lahat na kailangang maglabas ng P1, 000 hanggang P3,000 ang ordinaryong mamamayan para sa isang COVID test. Kung sa pagbabakuna, nangungulelat ang Pilipinas kumpara sa mga kapitbahay nating bansa. Ayon sa World Bank, nakapagturok ang Pilipinas ng 0.2 doses kada 100 tao nitong kalagitnaan ng Marso, kumpara sa 2.4 doses ng Indonesia at 1.1 doses ng Malaysia.

Nangungunang dahilan ang kakapusan ng supply ng bakuna. Mabilis na natigil ang pagbakuna sa mga senior citizens, ang A1 sa priority list ng gubyerno, sa maraming lugar sa Metro Manila dahil naubos na ang supply ng bakunang AstraZeneca, ang tanging bakunang maaaring gamitin sa kasalukuyan para sa mga senior citizens. Nitong Marso 30, umaabot lamang sa 2,525,600 doses ang kabuuang bilang ng bakuna na nasa loob ng bansa (525,600 doses ng AstraZeneca at 2 milyon ng Sinovac). Maliban sa 1 milyong doses ng Sinovac na binili ng gubyerno, pawang mga donasyon ang pinagmulan ng mga ito.

Ayon kay Galvez at maging sa mga kompanya ng pribadong sektor na pinahintulutang bumili ng bakuna, sa Hunyo-Hulyo pa raw darating ang bulto ng kanilang mga order. Natukoy na kung bakit nasa hulihan ng mahabang pila ang Pilipinas sa tinadahan ng bakuna: dahil sa lubos na kakuparan nina Galvez, Health Secretary Duque, atbp. sa pagtupad sa mga rekisitos para makapagsara ng kontrata sa mga supplier ng bakuna. Kabilang dito ang pagpirma sa mga non-disclosure agreement, pagpasa ng batas na tutugon sa pananagutang ligal, indemnification fund, atbp.

Mauugat ang lahat ng ito (katulad ng marami pang ibang kapalpakan ng administrasyon) kay Pang. Duterte mismo. Ating balikan ang kanyang mga salita noong Setyembre ng nakaraang taon, habang seryosong inaatupag ng ibang mga bansa ang pagbili ng mga bakuna mula sa mga korporasyong lumilikha nito:
“That’s one thing wrong about the Western countries — it’s all profit, profit, profit. … Pero kung sabihin mo na sige wala pa ‘yung vaccine, there is nothing with finality, and you want us to make a reservation by depositing money, you must be crazy. … If the companies are here or representatives, mag-uwi na kayo sa inyo. ‘Pag hindi, sipain ko kayo kung makita ko kayo diyan sa ano. …Better get out of this country, we don’t need you.”

Leave A Reply

Your email address will not be published.