Abante Tonite Interactive

Nasaan ang DSWD?

714

Paulit-ulit na ipinagmamayabang ni Pangulong Rodrigo Duterte na nagtatalaga siya ng mga retiradong heneral sa mga susing puwesto ng kanyang gabinete dahil marunong sila umanong magpatupad ng utos, “no questions asked.” Aksyon agad.

Mas mahusay nga ba ang pagganap sa tungkulin ng mga ahensiyang nasa pamumuno ng ex-militar? Sa kasalukuyang krisis na dala ng pandemya ng COVID-19, kung saan nakapailalim sa enhanced community quarantine ang buong Luzon, probinsiya ng Cebu, at Davao City, naghuhumiyaw ang katahimikan ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rolando `Rey’ Bautista, retiradong Lt. General at dating Armed Forces of the Philippines (AFP) chief of staff.

Nasaan ang DSWD? Sa panahong naka-lockdown ang malaking bilang ng populasyon, hindi makapagtrabaho ang mga manggagawa sa normal at impormal na sektor, at wala nang makain ang marami sa hanay ng maralita, napakahalaga ng papel na dapat gampanan ng DSWD upang matugunan ang kanilang mga pangangailangan. Sa kasamaang palad, hindi nagpapakita ni nagsasalita ang kalihim ng DSWD.

Totoong ang mga local government unit – mula gobernador hanggang mayor at punong baranggay – ang nakapuwesto upang unang tumugon sa pagsustento sa mga pamilya sa ilalim ng ECQ. Mandato nila ang mamahagi ng food packs gamit ang Calamity Fund ng LGU. Ngunit mahalaga ang maagap na pagpasok ng DSWD upang suportahan at dagdagan ang pagsisikap ng LGU, lalo’t hindi sapat ang kinakayang ipamahagi ng mga LGU sa maraming lugar.

Pinatutunayan mismo ng unang ulat ni Duterte sa Joint Oversight Committee ng R.A. 11469, ang Bayanihan We Heal as One Act na nagbigay sa kanya ng emergency powers, ang kapalpakan ng DSWD na magbigay ng ayuda sa mga mamamayang nagugutom.

Ayon sa report, mula 13 Marso hanggang 29 Marso (unang hati ng ECQ), nakapagpamahagi ang DSWD Central Office sa ilalim ng Food and Non-food Items Distribution program nito, sa 4,753 indibidwal ng mga relief goods. Namnamin natin ‘yan: sa loob ng dalawang linggo, natulungan nila ang katumbas ng isang maliit na barangay.

Sa NCR, nakapamahagi raw ang DSWD sa 17 LGU ng 67,150 food packs. Tandaan na nasa 12 milyon ang populasyon ng Metro Manila. Sa Region 3, 10,538 food packs na hinati sa 13 LGU; sa Region 6, 963 ang nabigyan ng food packs. Sa madaling sabi, katiting na katiting lamang ang aktwal na nabibigay na suporta ng DSWD sa mga LGU.

Sa kabilang banda, pinagmamalaki naman ng Philippine National Police ang kanilang “accomplishments” sa panahon ng ECQ: 17,039 ang arestado at 3,777 ang pinatawan ng multa dahil sa paglabag sa lockdown. Mula sa hanay ng maralita ang halos lahat ng mga ito. Silang hindi magawang sustentuhan nang sapat ng gobyerno ni Duterte ang sila pang inaaresto nito.

Nakasalalay ang bisa ng ECQ bilang hakbang para mapabagal ang pagkalat ng COVID-19 sa tiyak at maagap na pagbigay ng gobyerno ng pangtustos sa milyun-milyong mga pamilyang nangangailangan. Ano na, Sec. Bautista? Nasaan ang pagkain at ayuda, Pangulong Duterte?

Tonite – Wendys Inhouse Ad