Abante Tonite Interactive

Nasaan ang NFA rice?

255

Nagkakaubusan na naman ang supply ng bigas ng National Food Authority (NFA) kaya marami na namang mahahabang pila sa mga bilihan ng bigas sa Metro Manila at maging sa ilang mga lalawigan.

Katwiran ng NFA at mga nasa industriya ng bigas na mataas ang demand pero limitado ang stock kaya nagkakaubusan sa puwesto ng mga rice retailer.

Pero nilinaw ng NFA na walang shortage sa NFA rice kundi limitado lamang ang stock. Ano raw? Nasaan ang ipinagmamalaking tone-toneladang bigas na inangkat ng gobyerno noong kainitan ng mataas na inflation?

Baka naman taktika lamang ito ng mga rice dealer para maibenta pa nila ng mataas na presyo ang kanilang mga commercial rice na hindi na naibalik ang puhunan dahil sa ipinatupad na Suggested Retail Price (SRP) ng Department of Trade and Industry (DTI).

Dati ay nakakakuha ng 50 sako ng NFA rice ang mga rice retailer sa Metro Manila, subalit binabaan ito at ngayon ay 25 sako na lamang kada linggo ang ibinibigay sa mga ito kaya nauubos ang kanilang supply.

Ayon kay NFA Officer-in-Charge Deputy Administrator Tom Escarez, may schedule sa pagkuha ng bigas sa NFA at may mga pagkakataon aniya na madaling maubos dahil maganda ang klase ng bigas na kanilang ipinapalabas.

Kung dati kasi, kapag sinabing NFA rice ay iisipin kaagad na low class, may amoy o kaya ay bigas-mahirap kaya mura ang presyo kada kilo. Pero iba na ngayon ayon kay Escarez dahil magandang kalidad ang bigas na nakukuha nila sa ibang bansa.

Pero nangako ang NFA na darating sa Metro Manila ngayong linggong ito ang 14,000 metriko tonelada ng bigas na inaasahang lulutas sa mahabang pila sa mga palengke at prayoridad nila ang mga NFA outlet.

Mayroon ding dagdag na 500,000 metric tons ng bigas na darating sa Disyembre kaya magandang ti­ming dahil malakas ang demand ng bigas sa panahon ng Kapaskuhan.

Tiniyak ni Escarez na hindi tataas ang pres­yo ng bigas sa Disyembre kaya umaasa ang mga nanay ng taha­nan na hindi mas­yadong magagasgas ang bulsa nila lalo pa at maraming gastos sa panahon ng Kapaskuhan.

Panalangin ng maraming pilipino: sana hindi ito ningas kugon lang, at sana ay hindi maulit ang naranasang krisis sa supply ng NFA rice ng mga pilipino.