Abante Tonite Interactive

Nasaan ang traffic plan?

189

Hindi maaring kontrahin ng publiko ang anumang hakbang tulad ng pagsasara at pagkipot ng kalsada upang bigyang-daan ang konstruksiyon ng pagawaing bayan.

Partikular na tinutukoy natin ay ang pagsasara ng intersection ng Tandang Sora, Commonwealth at paggigiba ng flyover kaugnay ng kons­truksiyon ng MRT 7 mula sa San Jose Del Monte, Bulacan patungo sa North Ave., Quezon City.
Bahagi ng sakripis­yo ng publiko ang pagdurusa sa problema sa trapiko na hindi ito maiiwasan.

Hindi dapat pu­malag o umalma ang sinuman sa matinding pagsisikip ng trapiko sa Tandang Sora, Commonwealth, QC. dahil kapag natapos ang proyekto ay inaasahan naman ang ginhawa para sa publiko.

Abante Hiring – IT dep

Pero ang malaking tanong lang naman ng publiko ay nasaan ang traffic plan na dapat maagang ilatag sa publiko upang magkaroon ng sapat na impormasyon ang mga motorista at mananakay?

Hindi maaaring simple lang na sa­sabihin ng Department of Transportation na dahil sarado na ang intersection at magbubukas ng u-turn slot ay tapos na.

Dapat ay maipaliwanag ng DOTr at MMDA kung saang lugar pa ba ang mga alternatibong ruta at higit sa lahat ay mayroon bang iba pang kalye na bubuksan.

Isang halimbawa sa Luzon Ave. na maaa­ring linisin ng MMDA at DOTr sa pamamagitan ng pag-aalis ng talipapa at magpakalat ng mga traffic enforcer sa lugar.

Sa Feb.23, 2019 na ang implementasyon ng pagsasara ng Tandang Sora flyover at daang libong mga motorista ang apektado dito.

Huwag naman magpakainutil ang MMDA at DOTr sa halip ay maagap na kumilos para sa kapakanan ng taumbayan.
Sumasalamin lang ang ganitong aksiyon ng gobyerno sa iba pang proyekto na walang kaukulang plano pero napakalaki ang magiging epekto at kalbaryo ng publiko.