Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Nasaan (na naman) ang Pangulo?

0 574

Nitong nakaraang linggo, sa gitna ng tuloy-tuloy na pagtala ng nakababahalang dami ng mga bagong kaso ng COVID-19 sa bansa, at habang dinudumog ng mga barkong Tsino ang Julina Felipe Reef at pinagtatabuyan ng mga barkong pandigma nito ang bangkang may lulan sa news team ng ABS-CBN mula sa Ayungin Shoal, kinansela ng Malacanang ang lingguhang pag-ere ng “Talk to the People” ni Pang. Duterte at Cabinet meeting na kanyang pinangungunahan.

Wala ring kahit isang langitngit ng protesta na narinig mula kay Duterte sa mga garapal na paglabag ng China sa soberanong karapatan natin sa West Philippine Sea. Tuloy, muling umalingawngaw sa mundo ng social media at sa malawak na publiko ang tanong: nasaan ang Pangulo?

Katulad noon, muling kumalat ang espekulasyon hinggil sa lagay ng kalusugan ni Duterte, lalupa’t binalita rin sa panahong ito ang pagpositibo sa COVID ng maraming inaakalang nakakasalamuha niya, tulad nina Presidential Spokesperson Harry Roque, Defense Secretary Delfin Lorenzana, at mga alagad ng Presidential Security Group (sa kabila ng ilegal na pagpapabakuna nila noon pang nakaraang taon).

Katulad rin ng dati, naglabas ang Senador ng Republika ng “proof of life” selfies. Kasama niya ang Pangulo, may nakalatag na peryodiko sa mesa bilang patunay ng petsa ng pagkuha ng ritrato. Gayunman, hindi nito napahupa ang espekulasyon. Photoshopped lang daw ang larawan, ayon sa mga instant na dalubhasa umano na nasa Twitter at Facebook na nagsuri sa mga larawan. Napilitang maglabas muli ng isa pang set ng mga larawan at maging ng mga maikling video ang paboritong alalay ng Pangulo. Pinapakita siyang nagja-jogging sa gabi sa Malacanang grounds, naglalaro ng golf, at nagpapaandar ng kanyang trike.

Ngunit maraming hindi pa rin nakuntento. Body double daw ang nasa video – iba kung humakbang, iba ang hati ng buhok, etc.

Sa wakas, nagpakitang muli sa sambayanang hinahagupit ng COVID at krisis pangkabuhayan ang Pangulo ng Republika. “Sinadya” raw niyang magtago, dahil “pag kinalkal mo ako…para akong bata.” Sinundan ito ng hamon sa mga nagpapalagay na nasa malalang kalagayan siya: “If you want me to die early, you must pray harder.”

Lehitimong karapatan ng mamamayan na malaman ang tunay na kalagayang pangkalusugan ng Pangulo ng Republika. Hindi maikakailang pinagkakait ito ng Malacanang. Lalong makatwiran na humarap sa publiko ang Pangulo sa kalagitnaan ng kasalukuyang krisis, sa panahong daan-daan ang namamatay, libu-libo ang nagkakasakit, at milyon-milyon ang naghihirap. Hindi natin kailangan ang Pangulong nagtatago na parang bata. Gayunman, nawa’y hindi na maulit ang walang-patutunguhang spekulasyon kaugnay sa kanyang kalusugan. Huwag nang muling magpauto. Ibaling ang lakas sa pagpapanagot kay Duterte at sa kanyang mga payaso.

Leave A Reply

Your email address will not be published.