Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Nasaktan ang pagkatao namin kay Kris

0 735

Mahirap kalaban si Kris Aquino. Parang bagyo ang takbo ng kanyang utak—malikot, walang direksiyon. Kung ano ang gusto niyang sabihin at gawin, hari man ay mawawalan ng boses, ang kapritso pa rin niya ang mamamayani.

Si Dindo Balares ay anak-anakan namin na malapit kay Kris. Kapag nasasangkot sa kahit anong isyu ang TV host ay agaran nang nagte-text sa amin si Dindo, ipinadadala ang mensahe ni Kris, “Kuya Dindo, please call Nanay about this.”

Maraming beses ‘yun. Nu’ng ilabas ni Jay Sonza na bakla si Bimby, nu’ng upakan siya ni Mocha, nang magdemandahan sila ng kanyang dating staff na si Nicko Falcis. Marami pang ibang giyerang sangkot siya.

Pero alam ni Dindo ang katotohanan. Kapag nasa tama si Kris ay saka lang namin siya ipinagtatanggol pero kapag siya ang nagmamalabis ay siya ang pinipitik namin.

Nabasa namin ang mensahe ni Kris kay Dindo tungkol sa isyung nanakit ng aming damdamin. Ang pangmamaliit niya kay Mr. Fu na ayon sa kanya’y hindi niya kilala at hindi namin ka-level ni Manay Lolit Solis.

Tanong ni Kris ay sinaktan daw ba niya ang aming pagkatao? Totoo. Oong-oo. Nasaktan kami para sa aming anak-anakan at kasama sa digital show na kinukuha ng Puregold para makasama siya sa isang proyekto.

Kung walang pagpapahalaga si Kris sa kanyang mga katrabaho at kaibigan ay magkaiba kami ng polisiya sa buhay. Sumasalo kami ng bala para sa mga taong mahal naming nasa tama.

Inilaglag si Joey

Totoo ang pahayag ni Kris Aquino na hindi siya kumibo nu’ng pagsalitaan namin siya nang masakit na sa paglalarawan niya’y mula ulo hanggang sa talampakan niya.

Naganap ‘yun sa pinagpistahang kontrobesiya nila ng kanyang dating karelasyong si Mayor Joey Marquez. Nasa panig kami nu’n ng aktor-puliitko dahil maraming butas ang mga kuwento ni Kris sa kanyang one-on-one interview kay Korina Sanchez.

Binaligtad niya ang maraming aspeto ng kuwento, inilaglag niya ang lalaking nagmamahal sa kanya nang dahil sa sobrang pagseselos, winasak niya ang pagkatao ni Mayor Joey sa buong mundo.

Ang ikinabigla namin ay ang pagtawag ni Kris sa amin isang umaga. Katatapos lang niyang magpaopera nu’n sa klinika ni Dra. Vicki Belo, pinalagyan niya ng kurbada ang kanyang likod at balakang na ayon sa kanya’y parang waterfalls ang agos ng dugo, hindi raw siya makatayo.

Pinakiusapan niya kaming tawagan si Mayor Joey, sabihin daw namin sa aktor-pulitiko na ito ang gusto niyang magtayo sa kanya, nagimbal kami dahil ilang buwan pa lang ‘yun pagkatapos niyang ipangalandakan sa buong mundo na hinawahan siya ng tulo ni Mayor Joey.

Nag-usap kami ni Mayor Joey, sinabi namin sa kanya ang pakiusap ni Kris, matindi at madiing hindi ang kanyang sagot.

Type magpakasal kay Marquez

Eleksiyon. Tumakbong kongresista si Mayor Joey sa Paranaque. Ginamit na armas ng kanyang kalaban ang humahagulgol na video ni Kris habang inilalantad ang kanyang rebelasyon na tinutukan daw siya ng baril ng pulitiko. Kitang-kita raw niya ang mismong butas ng baril dahil napakalapit lang sa kanyang mukha.

Gabi ng bilangan, tumawag siya sa amin, kakausapin daw niya si Mayor Joey. Ayaw pang kunin ni Mayor Joey ang aming telepono, pero nagpilit kami, kilala namin si Kris. Hindi niya kami tatantanan sa katatawag hanggang hindi sila nagkakausap.

Tinanggap na ni Mayor Joey nu’ng mga oras na ‘yun ang kanyang pagkatalo, kipkip nito ang lungkot, sinabi sa kanya ni Kris na kung makapagpapasaya sa kanya ang kasal ay handa si Kris na pakasalan ito anumang oras.

Magkatabing-magkatabi lang kami ni Mayor Joey, ang sabi nito, “Nobody loves a loser.” Ang lakas-lakas ng boses ni Kris sa kabilang linya, parang napupunit na lata ‘yun sa lakas ng kanyang pagkakasabi, “No!!!! Tell me, I’m gonna marry you anytime!”

Sa pagkabigla ay nasabi ni Mayor Joey, “Di ba, kayo pa ni Mayor Mark (Lapid)?” Napakabilis ng sagot ni Kris, “I made him governor na!”

Aquino dahilan ng naudlot na proyekto

Paano namin panghahawakan ang mga salita ni Kris Aquino na mas masahol pa sa walang direksiyong bagyo ang pagpapalit-palit ng utak?

‘Yung hindi pagkatuloy ng proyekto ng Puregold, huwag niyang itapon sa amin ang paglalabas ng ebidensiya kung bakit hindi ‘yun natuloy, alam ng pamunuan ng sponsor ang dahilan kung bakit, alam ni Chuck Gomez, alam namin nina Manay Lolit at Mr. Fu.

Ang dahilan ay siya.

Leave A Reply

Your email address will not be published.