Abante Tonite Interactive

Nasapawan sa kantahan, nanaga sa Quezon

By
1,976

Kritikal ang kalaga­yan sa ospital ng isang 29-anyos na security guard na pinagtataga ng kanyang ka-duet sa ­kantahan sa isang ­inuman sa Sitio Little Batangas, Barangay Ibabang Polo, Pagbilao, Quezon kamakalawa ng gabi.

Kinilala ang biktima na si Arnulfo Ranque Calibo, tubong-­Barangay Mayuga, Libagon, ­Southern Leyte, na nagtamo ng tama ng itak sa noo at braso.

Batay sa report ng Pagbilao police, bandang alas-11:00 ng gabi, magkakainuman ang biktima at ang suspek na si ­Ferdinand Robledo delos Reyes, 49-anyos at ilan pang kasama sa loob ng isang tindahan.

Sa kasagsagan ng inuman, magka-duet pa umanong kumakanta sa videoke ang suspek at ang biktima subalit sa kalagitnaan ng kanta ay biglang tumigil ang suspek at lumabas ng tindahan.

Pagbalik nito, may bitbit na itong itak at walang sabi-sabing tinaga ang kumakantang biktima.

Agad isinugod sa Quezon Medical Center sa Lucena City ang biktima samantalang inaresto naman ng mga barangay tanod ang suspek at dinala sa himpilan ng pulisya.

Nakakulong na nga­yon ang suspek sa Pagbilao police station locked up cell at sasampahan ng kasong frustrated homicide.