Abante Tonite Interactive

Nasilaw sa alahas, 2 pulis sibak

631

Nasilaw sa silver na singsing at P850 ang dalawang tauhan ng Pasig police matapos mabuking ang ginawang pangingikil sa isang empleyado na na­ging dahilan ng kanilang pagkakasibak sa puwesto kahapon nang tanghali sa Pasig City.

Sa nakalap na report sa tanggapan ni Eastern Police District (EPD) Director PBGen. Nolasco Bathan, nahaharap sa patong-patong na kaso sina PCpl. Roy Duman-ag y Lipawen, 27-anyos, nakatalaga sa Pasig City Police Station-Station Drug Enforcement Unit (SDEU) at Pat. Arsenio Velardo y Perez, 29, nakatalaga sa Pasig City Police Station-SDEU.

Sinampahan ng grave misconduct and service irregularity in the performance of duty at robbery holdup sina Duman-ag at Velardo habang ang police asset na Janus Francisco y Abas, 36, residente ng Barangay Pinagbuhatan, Pasig City ay nahaharap sa kasong robbery holdup.

Sa report, naganap ang insidente bandang alas-9:30, Lunes nang gabi sa Tambakan 2 M. Eusebio Ave. Barangay San Miguel, Pasig City nang sitahin at hulihin ang isang Robert Tamondong Ignacio, 28, Globe Installer, taga-Tambakan 2, M. Eusebio Ave., Barangay San Miguel, Pasig City.
Ayon sa biktima, nagulat siya nang sigawan siya ng dalawang pulis na “Huwag kang tatakbo, adik ka.”

Todo-tanggi naman ang suspek kung saan ay nagkasundo ang mga suspek at si Tamondong na magbayad na lang ng P850 at natipuhan pa umano ang kanyang silver na singsing saka siya pinalaya.

Lingid sa kaalaman ng mga suspek, nagreklamo ang mga kaanak ng biktima dahilan upang mabu­king ang iregularidad ng dalawa. (Vick Aquino)