Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Natakot din sa Omicron

0 47

Naging kapansin-pansin nitong nakalipas na araw na kumambiyo ang mga tao sa paglabas-labas sa kanilang mga bahay dahil sa mataas na kontaminasyon ng COVID-19 sa Metro Manila.

Mismong ang mga eksperto ang nakapansin na nabawasan ang bilang ng mga taong pagala-gala sa labas at sa mga lansangan dahil sa kabi-kabilang nagkakasakit sa COVID-19.

Napagtanto marahil ng mga tao, lalo na yaong mga pasaway na hindi sila sasantuhin ng COVID-19 lalo na at marami sa taga-Metro Manila ang nakakaranas ng mga sintomas na inakalang simpleng lagnat, ubo at sipon lamang pero positibo na pala sa COVID-19.

Mismong si Metro Manila Development Authority (MMDA) Chairman Benhur Abalos ang nakapansin na halos walang gumagala ngayon sa mga pampublikong lugar at maging sa malls na magandang indikasyon aniya dahil nagkakaroon na ng self-regulation ang mga tao.

Para na rin aniyang nasa Alert Level 4 ang Metro Manila dahil natakot ang maraming mamamayan na lumabas, maliban sa mga naghahanapbuhay .

Wala na ang mga tambay at mga pasaway sa kalsada, bihira na rin ang mga batang kalye dahil maging sg mga bata ay tinatamaan na rin ng COVID-19.

Bagamat sinasabi ng mga eksperto na hindi kasing-lala ng Delta COVID variant and epekto ng Omicron lalo na kapag bakunado ang tinamaan nito, hindi pa rin magandang isipinin at hindi maganda sa pakiramdam na mayroong nararamdamang sakit.

SM food to go Banner Ad

Natuto na marahil ang publiko at alam na ngayon na hindi dapat maliitin ang bagsik ng COVID-19.

Kung matatandaan, panay-panay ang paalala ng gobyerno at mga eksperto noong Holiday Season na maghinay-hinay sa paglabas at pamamasyal dahil nananatili ang banta ng COVID-19, pero tila walang nakinig at marahil nasabik sa halos dalawang taong pananatili sa mga bahay kaya nagpiyesta ang mga tao sa pamamasyal, shopping at paglalaro ng mga bata sa mga arcade.

Ang kapalit ng kanilang panandaliang kasiyahan ngayon ay ilang araw o linggong dusa dahil nahagip sila ng COVID-19, at hindi pinatawad ng virus pati mga bata.

Hindi talaga maalis ang ugaling Pinoy na kahit anong pakiusap at panawagan ng gobyerno ay nagbibingi-bingihan ang karamihan pero kapag nakaranas na ng hirap at dusa ay saka pa lamang susunod ,pero huli na.

Hindi masama ang sumunod kaibigan, lalo na kung ito ay para sa iyong kapakanan at kaligtasan.

Hindi gugustuhin ng gobyerno na mapariwara ang mga Pilipino kaya dapat gamitin ang sentido kumon paminsan-minsan para hindi mapinsala at madisgrasya ng salot na virus.

Kung isa ka ngayon sa mga tinamaan ng COVID-19, lalabas ka pa rin ba at gagala sa kalsada kapag gumaling ka, o susunod ka na at iiwas sa peligro?

Kung makakaligtas ka, suwerte mo, pero kung hindi, malas mo, dahil tiyak ang kasunod, magiging abo ka na!

Leave A Reply

Your email address will not be published.