Abante Tonite Interactive

Natalo sa viral video

439

Maraming party-list representative ang posibleng hindi na maka­balik sa 18th Congress matapos matalo sa nakaraang halalan ang kanilang grupo.

Isa na dito si Rep. Aniceto ‘John’ Bertiz III ng ACTS-OFW.

Base sa partial and unofficial tally na gali­ng sa transparency server ng Commission Elections (COMELEC), nasa ika-69 na pwesto ang partylist group ni Bertiz na nakakuha lamang 127,530 boto o 0.46 porsyento ng kabuuang boto sa party­list elections. Kahit isang upuan, malabo na siyang makakuha lalo pa’t patapos na ang bilangan ng boto at maaaring iproklama na ngayon ng Co­melec ang mga nanalong party­-list group.

Matatandaang nasangkot sa kontrobersya noong nakaraang taon si Bertiz matapos kumalat ang isang CCTV footage ng kanyang pagwawala sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 2. Sa nasabing video footage, nakitang dinuro niya ang kawani ng paliparan matapos itong tumangging magpakapkap at hubarin ang kanyang sapatos sa final security check ng paliparan.

Naging viral ang video at maraming Pilipino ang nakapanood, kabilang na ang mga overseas Filipino worker (OFW) na kinakatawan ni Bertiz. Reprimand lamang ang pinataw na kaparusa­han ng Kamara sa kanya. Subalit sa nakaraang halalan, malinaw ang naging hatol ng taumbayan.

May iba pang party­-list organization ang hindi pinalad na makakuha ng sapat na boto. Kahit walang kinasangkutang eskandalo, natulog naman sa pansitan ang kanilang mga kinatawan sa tatlong taon na termino sa Kamara.

Ang party-list group na ACT-CIS ay hindi na nakakabigla kung ma­ging number 1 sa nakaraang halalan. Ito’y dahil sa maraming fo­llo­wer­ ang magkapatid na Tulfo sa social media. Sa pamamagitan ng kanilang programa sa radyo at telebisyon, marami ang humihingi sa kanila ng tulong, kahit na ang problema sa lovelife.

Consistent naman ang Bayan Muna na laging bumabandera sa halalan. Ang Ako-Bicol na isang regional party-list, ay patuloy pa rin sa pamamayagpag kahit na napatay ang dating kinatawan nilang si Rodel Batocabe.

Asahan nating babawi sa 2022 elections ang ibang party-list group na hindi nakalusot ngayong 2019 elections. May tatlong taon sila para magpa­lakas ng puwersa. May tatlong taon din sila para umiwas sa mga kontrobersya dahil sa isang pagkakamali, tiyak na magkakamot na naman sila ng ulo.