Abante Tonite Interactive

Nataon o sinadya?

By
426

Huwag na sanang umigting pa, kung hindi ang pamumuhay o ‘way of life’ ng mahigit sa 100 milyong mga Filipino ay maapektuhan.

Nasa bakuran na ng Pilipinas ang mga anti-ship and air-to-air defense system ng China. Bagama’t hindi kinumpirma o itinanggi, ipinahayag ng Beijing na ang mga ‘missile’ ay para sa ‘self defense’.

Ang mapamuksang sandata ay matatagpuan sa Fiery Cross Reef, Subi Reef, at Mischief Reef, mga isla na kapwa may ‘territorial claims’ ang Pilipinas at Vietnam, subalit inokupahan ng China at ngayon ay may ‘missile facility’ na.

Ang mga missile na nasa Zamora Reef (Subi), Kagitingan Reef (Fiery Cross) at Panganiban Reef (Mischief) ay may layo lamang na mahigit 100 Nautical Miles sa Pag-asa Island na tinatanuran ng mga Philippine Marine. Napakalapit nito sa Palawan.

***
Kung ‘self defense’ ang katwiran ng Beijing, para kanino?

Ang militarisasyon sa bahaging ito ng Asya at Pasipiko ay dapat bantayan. Lahat ng pwedeng gawin para hindi na umigting o tumaas ang tensiyon ay dapat ikonsidera.

Walang ibubungang maganda ang batuhan ng sisi. Ang bola ay nasa kamay na ng administrasyong Duterte.
***
Nataon lang ba o sinadya ang pagbubunyag ng Estados Unidos sa ‘missile defense system’ ng China matapos ianunsiyo ng Malacañang ang pagpasok ng Pilipinas at China sa 60-40 ‘joint oil exploration agreement’ sa pinagtatalunang lugar?

Marahil gustong udyukan ang ibang pang ‘claimant countries’ para pumosisyon sa kasunduang ito ng Pilipinas at China.

Ang pahayag ng Chinese Foreign Ministry na para proteksiyonan ang kanilang kasarinlan at seguridad ay hindi pwedeng basta tatanggapin na lamang.

Kahit nasa mataas na lebel ang personal na relasyon nina PDU30 at Chinese President Xi Jinping dapat ipaabot ng Manila sa Beijing ang pinakamataas na pagka­bahala.

Kabalintunaan ang nangyayaring ito sa South China Sea na kumukulo ang sitwasyon dahil sa militarisasyon, habang humuhupa naman ang tensiyon sa Korean Pe­ninsula.

***
Sa ‘joint exploration’ sa pagitan ng Pilipinas at China naungusan at naitsapwera si Ungle Sam sa ‘maritime activity’ sa lugar. Para matawag ang pansin ng iba pang ‘stakeholder’ tulad ng Vietnam na handang makipagbanggaan sa China ng ‘head on’ ang ‘missile shield’ ay pinalutang.

Ayaw ng Washington na mawala sa eksena sa rehiyon. Bilang ‘established power’ hindi papapayag ito na basta mabalewala na lamang.

***
Ang Pilipinas at Estados Unidos ay may tinatawag na Enhanced Defense Cooperation Agreement o EDCA, maliban pa sa umiiral na Mutual Defense Treaty.

Sa EDCA may terminong ‘agreed location’ na puwedeng puntahan ng mga sundalong Amerikano dala ang kanilang mga armas. Ang mga ‘agreed location’ kung hindi mga kampo-militar ng Pilipinas ay malapit sa kampo ng mga sundalong Pinoy.

Isang lugar na puwedeng puntahan ng mga sundalong Kano ay ang Palawan na napakalapit lamang sa lugar na may ‘missile facility’ ang mga Tsinoy.

May Naval Base ang Philippine Navy sa Hulugan Bay sa Palawan at si Uncle Sam ay puwedeng pumunta dito dahil sa ‘agreed location’ na nakapaloob sa EDCA.