Abante Tonite Interactive

Natauhan o ayaw mapahiya

134

Dalawang bersyon lamang ang maaaring rason kung bakit nagbago ang posisyon ng mga kaalyado ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pagpapalabas ng diumano’y sex video ni Senadora Leila de Lima – maaaring natauhan o napagsabihan.

Totoo o hindi ang sex video ni De Lima, ito’y walang koneksyon sa mga ibinibintang ni Duterte tungkol sa pagpapabaya kaya’t lumala ang illegal drugs sa New Bilibid Prison (NBP) sa panahong siya ang kalihim ng Department of Justice (DOJ). At nga­yong namamayagpag ang social media at makabagong teknolohiya, napakadaling mag-imbento ng sex scandal para lamang makapanira.

Pribadong usapin ang ginagawa ng dalawang magka-relasyon; mag-asawa man, mag-boypren o naka-one night stand; totoo man o imbento lamang ang senaryong tambay sa kubol ni Jaybee Sebastian at bini-video ang kanilang paglalampungan, hindi naman nagpapakita na nagluluto ng shabu o gumagamit ng droga ang dalawa kaya’t ano ang dapat imbestigahan?

Kaya’t hindi lubos maisip ng mga kurimaw kung bakit napaka-interesado ng mga galamay ni Pangulong Duterte, sa pangunguna ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre; maging si Speaker Pantaleon ‘Bebot’ Alvarez sa diumano’y sex video ni De Lima, sampu ng mga kongresistang nag-uurot sa committee hearing na ipalabas, gamit ang salitang ‘in aid of legislation’.

Ipagpalagay nating original ang sex video, anong batas naman ang kanilang naisip para pigilan ang ganitong palabas; plano ba nilang pag-aralan ang tamang posisyon sa pagtatalik; kung ano ang kaaya-aya sa ka-partner at kung ano ang epektibong method para iwas-buntis?

Hindi kaila sa mga kongresista, malinaw ang mga umiiral na batas at hindi kailangan pang lumikha ng panibagong batas para patawan ng karampatang multa o parusa ang mga gumagawa nito; ikatutuwa ba ng mga kongresista ang manood ng video na sa simula’y alam nilang mali ang ginagawa at malabo pa ang kopya; sa malamang magka-kuliti pa ang mga kumag.

Kung porn movie lang naman ang hanap, bakit hindi magpabili sa kanilang driver sa Quiapo o Baclaran. Hindi pa magmumuta ang kanilang mata dahil siguradong malinaw ang kopya, hindi ‘yung magta-tiyaga sa malabong sex video na kadalasan amateur video ang pamamaraan kaya’t magulo ang kuha.

Kung ‘di pa kuntento sa mga dvd copy na mabibili sa bangketa, bakit hindi subukang mamasyal sa Pasay, malay n’yo meron pang ‘double picture’ na ipinapalabas. Siguradong mas malaki ang screen at hindi kaila­ngang magsiksikan sa laptop para lamang makapanood ng dalawang nilalang na nag-se-sex sa harap ng camera.

Mabuti na lamang nagbago ang posisyon ng Lo­wer House, isang hanga-hangang deklarasyon ng majority bloc. Maaaring nasermunan ng kanilang mga asawa o kaya’y napagsabihan ng mga babaeng anak. Kahit anong panlalait o pang-insulto ang gawin ng mga kaalyado ng Malakanyang, mapa-trolls o ka-tropa sa House, makatwirang isaalang-alang ang kortesiya at respeto kay De Lima, hindi lamang bilang mambabatas kundi isang babae at ina.

At saan ba nagmula ang mga kongresista, ang kanilang mga anak, ang kanilang mga tatay at nanay, mga lolo at lola, sampu ng mga kanunununuan at kaapu-apuhan, hindi ba’t sa isang ina. Paano kung baliktarin ang sitwasyon o sex video ng kanilang mahal sa buhay ang ipalabas sa media, ano ang kanilang mararamdaman?

Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow @dspyrey)