Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Natengga sa permit, disenyo: P1B bike lane purnada sa MMDA, DOTr

0 124

Ni Nancy Carvajal

Sinita ng Commission on Audit (COA) ang mga nakatengga o hindi pa nasisimulang pagpapagawa ng 19 na bicycle lane na pinaglaanan ng P1 bilyong budget para mapalakas ang public transportation at maibsan ang epekto ng pandemya sa mamamayan.

Base sa COA report na may petsang Agosto 10, 2021, ang nasabing proyekto na nasa ilalim ng Tourism Road Infrastructure Program (TRIP) ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at Department of Tourism (DOT) ay bahagi ng economic stimulus na nakapaloob sa Bayanihan to Heal as One Act na inaprubahan noong Setyembre 2020.

Ayon sa COA, inilabas ng DPWH ang pondo para sa proyekto matapos na matanggap ito mula sa Department of Transportation (DOTr). Na-refund na rin umano ang DOTr mula sa P4.6 milyong share nito.

Batay sa batas, sa mga proyekto ng gobyerno ay mayroong porsiyento ang departamento na nagbigay ng budget.

Nauso ang bisikleta bilang alternatibong transportasyon ng mga frontliner at essential worker ngayong pandemya. Kaya naman sa ilalim ng Republic Act No. 11494 o Bayanihan to Recover as One Act kabilang ang bisikleta sa mga tinukoy na `alternative modes of transportation’, partikular sa Metro Cebu, Davao, at Metro Manila, ayon sa COA.

“Delayed implementation due to the delay in the issuance of MMDA [Metropolitan Manila Development Authority] permit and on-going coordination meeting with DOTr and MMDA regarding the design of the proposed bike lanes,” sabi ng COA.

Target sana matapos hanggang Hunyo 30, 2021 ang siyam na bike lane sa Metro Manila na may P814 milyong budget.

Sa Region 7 naman ay target date ang Hunyo 25 para sa apat na bike lane na may P150 milyong budget subalit 5.66% pa lamang ang nagawa. Sa Region 6 ay walang target date na nakita at hindi pa nasisimulan ang proyekto para sa anim na bike lane na may P150 milyong budget.

Nabatid na P1 bilyon ang pondong inilaan para sa bike lane project.
.

Leave A Reply

Your email address will not be published.