Abante Tonite Interactive

National ID wala nang urungan

By
8

Wala nang urungan sa National ID system dahil naglaan na si Pangulong Rodrigo Duterte ng P2 bilyong pondo sa ilalim ng 2018 national budget na nagkakahalaga ng P3.7 trilyon.

Ito ang kinumpirma ni House committee on women and family ­relation chairperson Sol Aragones kaya malamang na maipapatupad na ang nasabing batas sa susunod na taon.

“Ang hakbang ni Pa­ngulong Duterte na mag­lagak ng budget para sa national ID ay nagpapakita ng kanyang sinseridad na umagapay sa mahihirap at sa mga lubos na nangangailangan,” ani Aragones.

Naipasa na ng komite ni Aragones ang nasabing panukala at kabilang ito sa prayoridad ng Kongreso na maipasa bago matapos ang taong kasalukuyan upang maipatupad sa 2018.

Ayon sa mambabatas, makakatulong ang National ID para mapabilis ang pagtulong sa mga mamamayang Filipino.

“Ang pagkakaroon ng maayos na sistema ng pagkakakilanlan sa bawat Pilipino ay magbibigay daan para sa mabilis na pamamahagi ng tulong at serbisyo-publiko ng gobyerno,” ayon pa sa lady solon.

Sa pamamagitan din, aniya, ng National ID system masasala na ang mga beneficiaries ng Conditional Cash Transfer (CCT) program na pinondohan din ng P89.4 bilyon sa susunod na taon.

Tatawaging “Fil Sys” ang Filipino ID system kung saan, oobligahin ang lahat ng mga Filipino na kumuha ng ID na magagamit ng mga ito sa lahat ng transaksyon sa gobyerno.