Abante Tonite Interactive

National ID

By
211

Napapanahon na para magkaroon ng iisang ID ang mga Filipino na magagamit sa lahat ng transaksyon sa gobyerno at sa pri­badong sektor.

Naipasa na sa Mababang Kapulu­ngan ang panukulang House Bill 6221 o An Act Establishing the Filipino Identification System kung saan isa tayo sa mga nagsulong sa pamamagitan ng House Bill 107. Umaasa tayo na sa taong ito ay maipapasa na rin ng Senado ang kanilang hiwalay na bersyon sa panukalang ito na ma­laki ang magiging paki­nabang sa ating lahat.

Sa ngayon, marami sa ating mga kababayan lalo na ‘yung mga nasa probinsya ang walang pagkakakilanlan o maiproduce na ID kapag mayroong transaksyon sa gobyerno. Marami sa mga Filipino ang hindi miyembro ng Social Security System (SSS), walang Tax Indentification Number (TIN) o kaya driver’s license at wala pa ring Voter’s ID at lalong walang company ID dahil hindi naman employed.

Ang iba nama’y nagpapakita lamang ng barangay certification o kaya ID na nagpapatunay na sila ay miyembro ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps. Kulang ang impormasyon na karaniwang ipinapakita ng karamihan sa ating mga kababa­yan na hindi rin maaa­ring magamit sa ibang transaksyon sa gobyerno o kaya sa pribadong sektor.

Kapag nagkaroon tayo ng iisang ID lamang, puwedeng magamit ito sa lahat ng transaksyon sa gobyerno, puwedeng gamitin sa pag-apply ng trabaho o kaya kapag nag-enroll sa paaralan, gayundin kapag bumoto. Panghabang-buhay din ang bisa.

Lahat ng mga Fili­pino pagtuntong ng edad 18-anyos ay kailangan kumuha ng ID sa Philippine Statistics Authority (PSA) o da­ting National Statistics Office (NSO). Kapag nawala ang ID o ‘di kaya ay nagpalit ka ng pangalan kailangan lamang kumuha ng pa­nibago.

Maglalaman ang ID na ito ng pangalan, litrato, kasarian, kapa­nganakan, lugar ng kapanganakan, address, blood type, common reference number, pa­ngalan ng magulang, biometric information, height, weight at TIN. Hindi ito maglalaman ng mga impormasyon na ikakapahamak ng mga tao tulad ng ikina­kabahala ng mga kontra sa panukalang ito.

Malaki ang maitutulong nito sa pagpapabilis ng mga tran­saksyon, sa gobyerno man o sa pribadong sektor. Sigurado kang tatanggapin ang Fili­pino ID Card sa kahit anong transaksyon at ahensiya. Malaki rin ang mababawas na gastusin mula sa pagkuha ng iba-iba at napakarami pang mga ID.

Ang mga tila maliliit na hakbangin tulad nito ay magkakaroon ng napakalaking epekto sa buhay ng mga ordinaryong Filipino. Kaya naman nawa’y suportahan natin ang pagpasa ng batas na ito.