Abante Tonite Interactive

Nationwide tigil pasada ‘wag ituloy — commuter group

366

“Huwag naman sana nilang ituloy ang nationwide tigil pasada sa September 30!”

Ito ang apela ni Jessie Santos, national president ng Public Commuter and Motorists Alliance (PCMA), sa transport group at hinimok na makipag-usap sa gobyerno para sa kanilang mga hinaing.

Ayon kay Santos, tiyak na namang mga ‘end user’ o commuter ang mas higit na apektado kung matuloy ang nasabing malawakang tigil pasada.

Aniya, sana ay mag-usap ang dalawang kampo at mag-isip ng paraan kung ano ang kanilang maaaring gawin upang hindi na matuloy ang sinasabing transport strike ng apat na malalaking transport group.

“Marami na tayong nakitang transport strikes o tigil pasada at lahat ay talo lalo na kaming mga commuter,” ani Santos.

Sa isang panayam, sinabi ni Efren De Luna, natio­nal president ng Alliance of Concerned Transport Organizations (ACTO), matapos ang kanilang konsultasyon sa Stop and Go Coalitions (SGC) Central Luzon at Pinag-isang Tsuper at Opereytor Nationwide (Piston), handang-handa na ang kanilang grupo sa ti­gil pasada sa Setyembre 30.

Sinabi ni De Luna, ang tigil pasada ay upang tutulan ang ‘phase out’ program ng Department of Transportation at Land Transportation Franchising and Regulatory Board sa mga jeepney at mas katanggap-tanggap ang rehabilitation program ng kanilang mga unit sa halip na bumili ng bagong unit na nagkakahalaga ng P2.2 mil­yon na siyang itinutulak ng gobyerno.

Binigyang diin pa nito, na ‘coordinated’ na sa buong bansa ang kanilang tigil pasada sa Setyembre 30, subalit nilinaw ng grupo na hindi sila tutol sa moder­nization program at tangin­g hiling lang nila ila­gay ito sa ayos. (Dolly Cabreza/Riz Dominguez)