Abante Tonite Interactive

Nat’l ice hockey team silver sa Asian meet

160

Unti-unting nagpapakilala ang Pilipinas sa larangan ng winter sports, sunod na sumungkit ng medalya ay ang PH men’s national ice hockey team sa 2019 Challenge Cup of Asia sa Malaysia.

Sa naging finals match ng PH team at defending champs Mongolia, hindi nagpatinag ang una sa huli kahit pa maagang nagpakawala ng dalawang goal ang Mongolian guard na si Paolo Stafford, walong minuto pa lamang ang nakakalipas.
Muli pang nakaiskor para sa Mongolia si Gerelt Ider para tapusin ang first period sa 3-0.

Pagpasok ng second period, kumari­pas naman si Julian Santiago ng goal mula sa pasa ng PH assistant captain Carl Montaño para sa unang score ng bansa, sumunod na pumalo para sa Pilipinas sina Jose Iñigo Anton Cadiz at Jan Regencia para makatabla, 3-all.

Ngunit agad naman itong sinagot ni Bayarsaikhan Jargalsikhan para maibalik ang lamang sa Mongolia, at nakadalawang sunod pa siya at si Erdenesukh Bold para masiguro ang tropeo.

Talo man ang Pilipinas, 6-3, nakuha nila ang silver medal, angat sa nagdaang bersyon ng Challenge Cup kung saan tumapos sa ikatlong puwesto.