Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Natupad tulong kada tahanan sa online learning

0 96

Kami sa pamahalaang-lungsod ng Maynila ay lubos na nagpapasalamat sa Panginoon at masaya na ang aming layuning mabigyan ng tig-isang tablet ang bawat tahanan sa buong lungsod ay natupad nang mabilisan.

Ang mga tumanggap ay mag-aaral mula sa pampublikong paaralang elementarya at high school o mula Kindergarten hanggang Grade 12, upang sila ay matulungan habang ang educational system ng bansa ay patungo sa tinatawag na ‘blended, distant learning scheme’ dahil sa patuloy na pandemya.

Kasama ng mga nasabing gadgets ang libreng SIM cards na aming lo-loadan ng 10gb kada buwan at ipahihiram ang tablets sa mga mag-aaral na kalaunan ay kailangang isauli ang mga ito upang magamit ng mga mag-aaral na susunod sa kanila.

Ang pamahalaang-lungsod ay bumili ng kabuuang 137,210 tablets para sa mga estudyante ng Maynila, gayundin ng 11,000 laptops para sa mga guro na amin ding binigyan ng mga libreng pocket wifi units.

Lahat ng ito ay aming ginawa bilang pagtugon sa panawagan ng Department of Education (DepEd) ilang buwan na ang nakalilipas, for local government units to adapt to blended, distant learning.

Ang tangi kong hiling ay wala sanang magtangkang magbenta o pakinabangan sa ibang paraan ang mga nasabing libreng tablet na aming ipinamahagi sa mga mag-aaral ng pampublikong paaralan sa lungsod, para nga sa pagsisimula ng online classes. Ang panawagang ito ay para sa mga magulang, guardians at maging sa mga mag-aaral mismo.

Tinitiyak kong hahabulin ng lokal na pamahalaan ang sinumang magbebenta, magsasanla o bibili ng mga nasabing gadgets na maliwanag na pag-aari ng lungsod dahil ang may P900 milyong ipinambili sa mga ito ay mula sa pondo ng pamahalaan.

Nananawagan din ako sa mga magulang na huwag nang tangkaing dumoble dahil isa lamang kada tahanan ang rekomendasyon mismo ni Manila Division of City Schools Superintendent Dr. Maria Magdalena Lim.

Walang katiyakan kung hanggang kelan mananatili ang pandemya kaya naman kami ay umaasa na kapag nakatapos na ang isang mag-aaral, ang mga susunod sa kanya ay maari ding makinabang sa gadget na ipinahiram sa kanya ng lungsod.

Hindi rin makaliligtas sa pamahalaan ang anumang tangka na makakuha nang mahigit isang tablet para sa isang tahanan dahil lahat ng pagsusuri ay aming gagawin. Sana ay sumunod ang lahat sa pangunahing alituntunin na isang tablet kada bahay lamang, upang mas maraming mayakap na estudyante ang lokal na pamahalaan.

Ako ay umaapela sa lahat na lawakan ang pang-unawa at pagiging makatao upang walang mag-aaral na maiwan, lalo ngayong panahon ng pandemya.

Magtagumpay man kayo na makakuha ng mahigit isang tablet, isaisip ninyo na isang tahanan na mayroong isa o mahigit pang mag-aaral ang inyong inalisan ng gamit sa pag-aaral dahil lumagpas kayo sa dapat na inyo lamang. Habang kayo ay nakikinabang, may nagdurusa.

Ang mga magulang nga pala na may katanungan ukol sa sistema ng pamamahagi ng tablets ay maaring magtanong sa parents-teachers’ associations (PTA) o school authorities upangd makakuha ng tamang paliwanag kung hindi ay tsismis lang ang kanilang makukuha.

Batay sa average na tatlong mag-aaral kada pamilya, ang kailangan lang bilhin ng lungsod ay 90,000 tablets. Gayunnman, kami ay nagpasyang bumili ng mas marami upang yakapin ang marami at pawiin ang pangamba ng mga magulang na mapag-iwanan ang kanilang mga anak, dahil ultimo ang may 27,000 late enrolees ay kasama sa bilang.

Maaring pagsaluhan ang mga tablet pero ang 10gb internet connection kada buwan ay kada estudyante. Sana ay makatulong nang husto ang pagsisikap naming makasabay ang mga estudyante sa ‘new normal’ ng edukasyon.

Dahil alam naming kailangan ng mga guro at estudyante ang gadgets at ito ay hindi mura, kung kaya’t kami ay nagdesisyong sumuporta. Umaasa kami na aalagaan ng mga gagamit nito ang nasabing tablets para sa kapakinabangan ng mga susunod na gagamit ng mga ito.

Nung ako ay mahirap na mag-aaral nung araw, ni wala akong pad paper at umaasa lang ako sa bigay ng mga kaklase pag kailangan namin nito. Kaya naman umaasa ako na pahahalagahan ng mga mag-aaral ang mga gadgets na aming ibinibigay at ang pagsisikap ng pamahalaang-lungsod na sila ay abutin at tulungan sa mga bagay na hindi madaling maabot.

***

Gaya ng paulit-ulit kong sinasabi, kailangan ko ang tulong ninyong lahat. Walang magmamalasakit sa Maynila kundi tayo ding mga Batang Maynila. Manila, God first! *** Maari ninyong malaman ang mga pinakahuling kaganapan sa pamahalaang-lungsod ng Maynila sa pamamagitan ng pagbisita sa aking kaisa-isang lehitimong Facebook account— ‘Isko Moreno Domagoso.’

Leave A Reply

Your email address will not be published.