Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Naumpog

0 296

May mga pagkakataon na tayo ay mauuntog. Maaaring dahil hindi tayo tumitingin sa ating nilalakaran , may nalaglag sa ulo natin, o di kaya, talagang nadulas at tumama ang ulo sa sahig o kung saan man. Kadalasan maririnig natin na “huwag nyong patulugin at gisingin nyo maya’t maya ang na untog”. May pagkakataon na tama ito, ngunit, kadalasan hindi naman. Alamin muna naton kung ano ang nangyayari pag tayo ay nauntog at bakit nga ba madalas ay ramdam na ramdam at kapang kapa ang bukol nito.

May apat na basic na sangkap ang katawan natin. Mula sa labas, ang balat, taba, laman, at buto. Depende sa parte ng katawan, iba’t iba ang kapal ng mga ito, at mayroong katangiang paghiwalay ng isang bahagi sa susunod. Ngunit sa ulo, ang unang tatlo ay dikit dikit bago umabot sa buto, at sa ulo, ito ay ang ating bungo. Napakalawak at dami din ng network ng mga ugat dito. Kaya kung maaksidente, maaaring maapektuhan ang mga ito. Nagkakaroon ng bukol o contussion hematoma. Mabilis na ma damage ang ugat at magkakaroon ng pagipon ng dugo sa paligid nito. Dahil dikit dikit ang balat sa taba at muscle, maiipon ito sa gitna ng anit at ng bungo. Ito ang pinagmumulan ng bukol. Kung minsan mas mainam pa na magkabukol dahil madalas hindi gaano naaapektuhan ang bungo, lalong lalo na ang utak na laman nito.

Napakahalaga ng utak dahil ito ang sentro ng intelektuwal ng isang tao, kasama na ang emosyon at nagdidikta ng reaksyon natin. Nandito din ang pag kontrol ng kilos at galaw ng ating katawan o motor function at ang wiring ng pakiramdam natin o sensory function. Sa sobrang kahalagahan ng ating utak, ito ay pinoprotektahan ng bungo. Kaya kung matindi ang tama, maaaring wala ngang bukol, ngunit, nasa loob naman ng bungo ang problema. Maaaring mayanig ito, concussion ang tawag dito. Maaari din may pumutok na ugat sa loob. Kung ganito ang mangyayari, tataas ang intracranial pressure at mas malala pa ang posibleng mga kumplikasyon nito.

Kapag dinala sa emergency room ang naaksidente, maaaring pagawan ng xray para makita kung nagkaroon ng basag sa bungo, ngunit kung inaakalang naapektuhan ang utak, ct scan ang pinakamainam dito. Kadalasan ay inoobserbahan natin kung magkakaroon ng ibang sintomas maliban sa bukol. Maaaring mayroong mataas na paglagnat, pagkombulsyon, panghihina, paghilo at pagsuka, pagkaduling, pagdurugo sa tenga, ilong o mata, o di kaya, pagkawalan ng malay.

SM SuperKidsDay Banner Ad

Sa pagpapatulog naman, kadalasan, lalo na kung wala namang ibang sintomas at kung oras naman ng pagtulog ay hayaan na natin magpahinga dahil siguradong aantukin ito. Ang mas nakakabahala ay kung tutulog tulog ito sa oras ng dapat gising sila.

Hanggang sa susunod na Martes! Keep healthy! Stay safe! Get Vaccinated!

J. RYLAN G. FLORES, MD ay isang orthopaedic surgeon, nutrigenomics practitioner at DNA profiler, fellow ng International College of Surgeons at Philippine Academy of Medical Specialists. Siya ay matatagpuan sa De los Santos Medical Center. Speaker sa iba’t ibang talakayan (medical man at iba pa, dito at internasyonal). Isang personalidad sa pelikula, telebisyon, radio (mapapakinggan sa Kalusugan Kakabilib sa DWIZ882 tuwing lingo 11am-12nn) at Doc Rylan Facebook Live tuwing sabado 7pm. Sundan sa twitter@rylanflores, gamitin ang hashtag na #docquestion at Facebook sa Doc Rylan para sa mga komentaryo at katanungan.

Leave A Reply

Your email address will not be published.