Abante Tonite Interactive

Naunsyaming Senate probe patibong kay ‘Bikoy’ — Ping

582

Kinumpirma ni Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs Chairperson Panfilo ‘Ping’ Lacson na isang setup ang sanay hearing hinggil sa mga alegasyon ni Peter Joemel Advincula alyas ‘Bikoy’.

Sinabi ni Lacson na ang plano sana nila ay idiin si Advincula sa kasong contempt sa Senado at matukoy ang mga kasama nito sa pagtungo sa Senado.
Gayunman, naunsyami aniya ang plano dahil mistulang nakatunog na rin si Advincula na tukoy na ni Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III ang kanyang pagkatao.

“Hinog na hinog sana si ‘Bikoy’ para mai-contempt kung naituloy sana ang hearing. Papasok si Hutch (Altavas) refute his own documents, ‘di ba napaka-appropriate for contempt at marami pa tayong malalaman,” saad ni Lacson.

Sa unang plano, pahaharapin nina Lacson si ‘Bikoy’ sa hearing at saka naman ihaharap sa kanya ang sinumpaang salaysay at mga dokumentong ibinigay nito sa kampo ni Sotto noong 2016.

Kung darating anya si ‘Bikoy’ sa Senado, makikita rin nila kung sino ang magiging kasama nito at mula doon posibleng matukoy ang tunay na nasa likod niya. (Dang Samson-Garcia)