Abante Tonite Interactive

Navarro, Cignal may hugot vs F2 Logistics

249

Raragasa si Janine Navarro at Cignal upang isaboy ang ngitngit at makaresbak kontra F2 Logistics sa pagwawakas ng 7th Philippine SuperLiga All-Filipino Conference 2019 prelims 2 ngayong Martes sa Malolos Sports & Convention Center, Bulacan.

Lumagare nitong Agosto 6 ang ka-tie sa 4th HD Spikers (7-6) nang makaligtas sa 5-set match laban sa PLDT Home Fibr, 23-25, 25-20, 25-16, 23-25, 15-9. Pinamunuan ni Navarro ang opensiba ng HD sa tinulos na 23 points, ambagan sina Rachel Ann Daquis at Jovelyn Gonzaga ng 21 at 19 markers.

Yumukod ang Cignal sa nasa segundang F2 (11-2) sa prelims 1 nitong Hulyo 2, 25-22, 25-19, 25-14, kaya ito ang pagkakataon para makapaningil sa alas-7:00 ng gabing hampasan.

Pero galing sa back-to-back loss ang Cargo Movers laban sa league-leader Petron at sa Power Hitters nito lang Sabado via 5-set, 21-25, 28-26, 25-15, 19-25, 11-15, sa kabila na may 28 pts. si Tyler Marie Kalei Mau, 19 si Victonara Galang at 18 si Mary Joy Baron.

Uulitin naman ng Foton (7-6) ang unang pagtaob sa nasa ilalim na Marinerang Pilipina (0-13) sa alas-4:15 ng hapon. (Janiel Abby Toralba)