Abante Tonite Interactive

Nawala ang sapatos

0 214

Dear Dream Catcher,
Nanaginip po ako na nasa isang mall ako at laking gulat ko wala na yung isang suot kong sapatos.

Sa paghahanap ko, marami akong nakita sa paligid ko na mga sapatos at tsinelas na walang kapares.

Pumasok daw ako sa store kung saan ako nagtatrabaho at laking gulat ko kasi ang dami ko ng bagong sapatos na bitbit at mga mamahalin pa. Ano kaya ang pahiwatig o kahulugan ng aking panaginip?
Kenneth

Ang sapatos ay bahagi ng ating pang-araw-araw na buhay. Ang sapatos sa panaginip ay sumisimbolo sa proteksyon. Habang ang pagkawala ng sapatos sa iyong panaginip ay indikasyon na maaa-ring meron isang importanteng bagay o isyu kang nakakalimutan o maaaring hindi nabibigyan ng pansin.

Related Posts

Ang panaginip naman tungkol sa tindahan ng sapatos ay maaa-ring ikonek sa dalawang direksyon sa buhay na dapat mong pagpilian lalo na kung ikaw ang pumasok sa loob ng tindahan para bumili ng sapatos.

Sa iyong panaginip, pumasok ka sa isang tindahan sa mall para hanapin ang iyong sapatos pero paglabas mo ay marami ka nang sapatos at pawang bago at mamahalin pa ito. Ang sapatos sa panaginip ay maaari ring ikonek sa takbo ng iyong career. Maaring may ikinukonsidera kang hakbangin para ma-improve ang iyong kalagayan sa buhay.

Kung nasa isang sitwasyon ka kung saan ikinukonsidera mo halimbawa ang isang bagong trabaho, ang iyong panaginip ay maaaring paalala ng iyong subconscious na kung iiwan mo ang nakasanayan at lalakasan mo ang loob para makipagsapalaran sa isang bago ay posibleng makuha mo ang tagumpay nang higit sa tinatamasa mo sa kasalukuyan.

Sa iyong panaginip, nawala ang iyong suot na sapatos. At ang sapatos na ito ay puwedeng representasyon ng iyong nakasanayan at sa pagkawala nito ay kinailangan mong kumilos at hanapin ang nawawalang sapatos. Pumasok ka sa loob ng iyong pinagtatrabahuhan at paglabas mo ay marami ka nang dalang sapatos na pawang bago at mamahalin. Puwedeng ito naman ang sinasabi ng iyong subconscious na kung lalabas ka sa iyong comfort zone ay posibleng mas mapaboran ka sa hinaharap.

Pero dahil ikaw nga ang tanging nakakaalam ng tunay mong sitwasyon sa buhay, ikaw lamang ang makakapagbigay ng eksaktong interpretasyon ng iyong panaginip. Pag-aralang mabuti ang mga nangyayari sa iyong buhay para mahanap ang iyong hinihintay na kasagutan.
Dream Catcher
DISCLAIMER: Ang DREAM CATCHER ay nagbibigay lamang ng general information tungkol sa mga kahulugan ng ating panaginip. Wala itong kinalaman sa relihiyon, kulto o anumang ispiritwal na aspeto ng buhay. Sa mga gustong isangguni ang kanilang panaginip, mag-email sa abantedreamcatcher@gmail.com.