Abante Tonite Interactive

Nawala na ang paggalang sa magulang

411

Dear Abante Tonite,
Bilib din naman ako sa rason ng kabataang lider ng Anakbayan, Kabataan, League of Filipino Students (LFS) at Bayan Muna Party-list patungkol sa isyu ng pagre-recruit ng mga leftist sa ilang kabataan para sumama sa armadong pakikibaka. Ayon sa kanila, hindi nila anak ang kanilang mga anak dahil ang ginawa lamang ng mga ina nito ay ang iluwal sila.

Ang pahayag nilang ito ay isang patunay na tuluyan na ngang nabura sa kabataang ito ang takot sa Diyos at paggalang sa kanilang mga magulang at sa iba pa. Kung tutuusin kahit gaano pa kataas ang naabot ng isang tao, ang lahat ng iyon ay utang na loob nila sa kanilang mga magulang lalong-lalo na sa kanilang mga ina dahil kung wala ang mga ito ay wala sila sa mundong ibabaw.

Nakakalungkot at nakababahala ang ganitong pag-iisip ng isang kabataan. Talagang isang malaking kabaluktutan ang itinatatak ng mga leftist group na ito sa kabataang Pilipino. Huwag na sanang madagdagan pa ang mabibiktima ng mga teroristang grupong ito. Magkaisa sana ang lahat ng mga magulang at paaralan para wakasan ang patuloy na panlilinlang nilang ito.

Edward Aquino Marquez