Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Nawalang panabong nabawi gamit Facebook

0 53

Dahil sa post sa Facebook, buking ang isang 28-anyos na lalaki na galing sa nakaw ang mga ibinebenta nitong mga panabong nang makita ito ng mismong may-ari na nagresulta sa kanyang pag­kakaaresto sa isang entrapment opera­tion ng Mendez police sa Silang, Cavite, Biyernes ng gabi.

Kasong theft ang kinahaharap ng suspek na si John Danille Cubel dahil sa reklamo ni Anthony Peejay Romano, 43, ng Barangay Asis 2, Mendez.

Sa ulat ni Corporal Christian Espiritu ng Mendez Police Station, alas-5:00 kamakalawa ng madaling-araw nang paggising ng biktima ay napansin nitong nawawala ang siyam na mga panabong na nagkakahalaga ng P30,000.

SM food to go Banner Ad

Ayon kay Romano, pumasok si Cubel sa kanilang bakuran sa Maysili Road kung saan nakatali ang siyam niyang panabong saka tinangay ito.

Pero habang nagba-browse sa Face­book, napansin niyang “for sale” ang ilang sasabunging manok at nakilala niya na kanya ang mga nasabing manok dahil sa mga tag.

Dahil dito, nag-report ang biktima sa pulisya na nagsagawa ng entrapment operation. Nagkasundong magkikita sila sa Barangay Sabutan, Silang, Cavite kung saan naaresto ang suspek at nabawi ang isa sa mga manok ni Romano. (Gene Adsuara)

Leave A Reply

Your email address will not be published.