Abante Tonite Interactive

Nay, may bisita, san natin siya dadalhin?

By
403

Ito ang karaniwang tanong ng mga bata pag may dumarating na bisita lalo pa at mga balikbayan o mga first timers dito sa atin. Bago ko sagutin ito, baligtarin natin ang sitwasyon. Tayo kunyari ang du­malaw sa kanila. San nila tayo dinadala?

Sagot. Sa mga central parks, sa mga historical places, sa mga recreational areas na may point of interest at may sense of history. Pag nasa ibang bansa ka, yung host mo, iikot ka sa lugar nila. Kadalasan, yung mga parks, malapit lang sa kanila. Yung malalawak na lugar pahingahan.. pwede kang maglakad, mag-exercise at mag-bonding. Malilim dahil maraming puno. Presko dahil malamig at mahangin. Maramng mga puno, maraming mga halaman, malawak na damuhan at dagsang benches para makaupo at namnamin ang ganda ng lugar. May ilan ding mga sculptures na nagdadagdag ng interes para puntahan ito.

May sense of history ang mga taong nakatira roon. Proud nilang ikukwento kung sino ang nakatayo sa monument at bakit siya pinangaralan ng isang rebulto. May pagmamalaki at kaisipan. Tamang values.

O sige, dako naman tayo dito sa atin. Napansin ko lang. San natin sila dinadala? Sa mall. Puro malls ang makikita mo… sinehan, restaurant. Pag medyo may kaya, sa mga beach para mag-swimming.

Magandang pagtuunan natin ang pagtatayo ng mga recreational park para sa mga tao. Para pag may bisita tayo, meron naman tayong maikutan na matatawag nating sariling atin. Dito lalabas ang sense of history natin. Dun natin ilala­lagak ang mga sculptures na magbibigay buhay sa kasaysayan ng ating bayan. Kung wala namang tu­rista, eh di para sa atin din. Para yung mga bata hindi laging nakakulong sa kwarto kasama ang kanilang mga gadgets.

Maganda magpanukala ng batas na sa bawat lungsod o bayan sa Pilipinas, may mandato na ang local na pamahalaan ay maglaan ng pondo para gumawa ng mga parks kada tatlong taon at maglaan din ng pondo para sa maintenance nito.. Minsan naman, may nagawa nga, pababayaan namang masira at maiwang nakatiwangwang ito. Hindi ko tanggap ang katwiran na ang mga see saw at slide ay sinisira ng mga bata. Bata yan. Natural lang yan. Ang dapat gawin ng gobyerno, mag-empleyo ng tao na gagawa at aayos nito year round. Maintenance ba..

Dito sa amin, na­kagawa na kami ng higit 20 parks sa loob ng limang taon. Pero ang pinakamalaki ay ang 7000 square meter na lupang aming nakuha upang magpagawa ng isang central park na may ampitheatre. Pwede ditong ganapin at magpalabas ng mga stage plays sa open air para sa kasiyahan ng mga tao. Dito rin ilalagak ang ilang art sculptures na magbibigay ng kasaysayan sa pagsilang ng bayan namin… ang mga sepoys, bibingka, kakanin at senakulo..

Ang mga malls ngayon ang sumisimbulo ng rest and relaxation sa atin… wala namang masama dito. Pero pag may dumating kaming bisita at magtanong kung saan siya pwedeng dalhin, ang mall ay isa na lamang sa kanyang maraming destinasyon.